52-Propesiya

578 20 0
                                    

WALANG nagawa si Damarkus kundi bumalik na lang sa kinasasadlakan niyang silid. Masakit ang damdamin niya. Buhay nga siya, ngunit hindi naman siya makaalis sa sanktwaryong iyon. Wala pa rin siyang silbi. Hayon siya. Nakulong sa 'kawalan', kasama ang kaluluwang may basag na tinig na tinatawag nilang Apo. Nagtagumpay nga siyang matagpuan ang pahina, pero wala pa rin siyang silbi.

Gayunman, hindi siya natinag na alamin ang nilalaman ng mga pahinang itinago ni Lucifero. Ang tunay na dahilan kung bakit ganoon na lang nito gustong sirain ang mga pahinang 'yon. Hindi siya titigil hangga't hindi niya nalalaman ang buong katotohanan. Kahit pa hanggang doon na lang talaga ang kaya niyang gawin.

Nanginginig ang mga palad niya nang buklatin ang mga pahinang iyon. Dalawang pahina ang tagumpay niyang nakuha sa kailaliman ng Bukal. Bagama't lumabo na ang engkripto roon ay sinikap niyang intindihin ang mga nakasulat.

Ang nilalaman ng unang pahina:

"Isang busilak na kaluluwa ang Susi sa Katuparan,

Kaluluwang magiging diyablo sa dugong inialay,

Dugo at Susi sa walang-hanggang kapangyarihan,

Dugo ng Susing ibubuwis sa Asul na Araw.

Binuklat niya rin ang pangalawang pahina at ito ang mga letrang nakasulat:

"Gamit ang pusong guguho sa Kalangitan,

Pusong susugat sa dugong makapangyarihan,

Pusong wawasak sa dugo ng Kalangitan,

Kalangitang maghahatid sa Kamatayan!"

Naihilamos na lamang ni Damarkus ang kanyang sariling mga palad. Hindi niya lubos na maintindihan ang nilalaman ng engkantasyong iyon. Sa lahat ng mga pahinang nasa aklat na iyon, 'yon na ang pinakamahirap intindihin. Hindi iyon engkantasyong nagbibigay ng kapangyarihan kundi pahinang nagsasaad ng propesiya.

Sa tagal na niyang Kalihim sa Aklatan, sa tagpong iyon lamang siya napaisip. Pero alam niyang para itago ni Lucifero ang mga pahinang 'yon sa kanya, mayroon itong 'maitim' na sikretong ayaw nitong ipaalam, kahit sa kanya. Ang pahinang 'yon ang susi sa buong katotohanan. At ang sagot sa lahat ng mga katanungan nila. Kailangan niyang matuklasan ang kahulugan niyon sa lalong madaling panahon.

Ngunit paano? Paano niya iintindihin ang engkantasyong 'yon?

Binasa niya muli ang unang linya. "Isang busilak na kaluluwa ang Susi sa Katuparan..."

"Susi sa Katuparan..."

Lalong nagulo ang isipan ni Damarkus. Naitukod niya ang kamay sa kanyang noo. Kung si Devila ang Susi sa Katuparan ayon kay Lucifero...si Devila ay isang kaluluwa? Busilak na kaluluwa?

Hindi maintindihan ni Damarkus kung matatawa ba siya sa mga naisip na 'yon. Literal ba talaga dapat niyang isalin ang mga katagang 'yon? Kung literal nga, napakaimposible. Imposible. Imposibleng maging isang kaluluwa si Devila. Dahil nasubaybayan niya ang paglaki nito simula nang likhain ni Lucifero ang prinsesa gamit ang kapangyarihan nito.

Paglaki?

Kung nasa wangis-tao nga lamang si Damarkus nang mga sandaling 'yon ay baka pinagpawisan na siya nang malalamig. Lahat ng purong diyablo tulad niya ay hindi nagbabago ang anyo mula pagsilang hanggang kamatayan!

Lalong napatunayan ni Damarkus ang kanyang teorya nang basahin ang ikalawang linya.

"...Kaluluwang magiging diyablo sa dugong inialay..."

Paano? Paano siya nalinlang nang gano'n-gano'n na lang ni Lucifero? Anong klaseng engkantasyon ang ginamit sa kanilang mga diyablo ni Lucifero upang maitago ang katotohanang 'yon?

Kaya pala nang maging wangis-tao si Devila ay nagkaroon ito ng peklat sa mukha. Dahil nanghingi ng kabayaran ang lagusan! At kaya pala may likas talagang kabutihan si Devila ay dati pala talaga itong mortal!

Ngunit paano? Sino ang nagkanulo kay Devila para mapasakamay ni Lucifero? At sino talaga si Devila?

Ipinagpatuloy pa ni Damarkus ang pag-aanalisa sa mga sumunod na linya.

"...Dugo at Susi sa walang-hanggang kapangyarihan, Dugo ng Susing ibubuwis sa Asul na Araw."

"...ibubuwis sa Asul na Araw."

Nanghilakbot si Damarkus nang mapagtanto ang kahulugan ng ikatlo at ikaapat na linya. Nakuyom niya ang mga palad at nadamay pa sa paggasumot ang mga pahina. Nagliyab ang buong katawan niya sa galit. Hindi na nga niya naituloy pa ang pagbabasa at pag-aanalisa sa susunod na pahina.

Nagngingit si Damarkus sa natuklasan. Bumalikwas siya sa kinasasadlakan at nagtangka siyang lumabas sa silid na batuhan ngunit nakita siya ng Apo na papalabas. "Damarkus, ano na namang nangyari? Saan ka pupunta?"

"Aalis na ako dito! At hindi n'yo na ako mapipigilan!"

Nakita ng Apo ang Aklat at ang mga nalamukos na pahina sa higaang kinasasadlakan ni Damarkus. Dahil sa bugso ng emosyon ni Damarkus ay naiwan na nga niya ang pinakamahalagang aklat.

"Huminahon ka. Ano ba ang biglang nangyari?"

Nanggagalaiti pa rin si Damarkus. Sinubukan nga niyang lumusot mula sa pagkakaharang ng kaluluwa ngunit bigo siya kaya napilitan siyang sumagot.

"Paano ako hihinahon? Nasa panganib ang prinsesa! Hindi ililipat sa kanya ang trono kundi papatayin siya ni Lucifero para sa kapangyarihan!"

Napatigil ang kaluluwang may basag na tinig at biglang nagdilim ang ekspresyon ng mukha nito. Nag-iwas ito ng tingin sa kanya at napansin niya ang panginginig ng Apo.

"Bakit? Kilala mo ba ang prinsesa? Kilala mo ba si Devila?"

Humarap muli ito sa kanya at nakita niya ang panlulumo ng Apo. Ngunit bago pa man ito makapagsalita, nabasag na ang kumbersasyon sa pagitan nila dahil sa isang humahangos na diyablo patungo sa kanila. Nagkakandautal na nga ito sa pagsasalita.

"K-kalihim! A-apo! Ang Batis! Naging purong bughaw! At...at...nagliliwanag!"

"Ano?"

Kapwa nanlaki ang mga mata ni Damarkus at ng kaluluwang may basag na tinig. Nagmadali silang lumabas para puntahan ang sinasabi ng diyablo at nakumpirma na totoo ang sinasabi nito. Napaluhod na lamang si Damarkus sa batuhan sa pampang ng Batis. Nahihikbing nagsalita si Damarkus. "H-huli na ang lahat."

Naramdaman niya ang pagdampi ng nagyeyelong kamay ng Apo sa kanyang balikat. Pagtunghay ng kanyang ulo rito'y nakita niyang iniaabot nito sa kanya ang Aklat sa Katuparan at ang mga inipit roon na nalamukos na mga pahina. "M-maaaring huli na nga ang lahat. Pero ang sabi mo nga, kailangan mong subukan. Kailangan ka ng prinsesa." Pinisil nito ang balikat niya. Hindi niya lubos mahinuha ang dahilan nito o ang gusto nitong ipahiwatig. "Iligtas mo siya."

Tumagos sa himaymay ng kamalayan ni Damarkus ang winika ng Apo. Tama ito, kailangan niyang subukang lumabas roon. Kailangan niyang lumaban para kay Ella. Tinanggap niya ang aklat at sa pamamagitan ng engkantasyon ay itinago niya ito. Tumayo na siya at inihanda ang sarili.

"Maraming salamat po, Apo. Pipilitin kong makalabas dito. Ililigtas ko ang prinsesa."

Tumango ito sa kanya.

Humakbang na si Damarkus at lumusong na siya sa Batis. Buong akala niya'y mapapaso siya ng tubig niyon ngunit hindi pala. Ipinagtaka niya iyon sapagkat iisang tubig lamang iyon at ang tubig na mayroon sa Bukal. Pero 'di na lamang niya iyon pinansin. Ang kailangan niya ay makarating na sa Bukal at makalabas sa Sanctuario. Kailangan niyang magmadali.

"Apo, hanggang sa muli." Iyinuko niya ang ulo bilang pagbibigay-galang. Sinagot siya ng isang mapait na ngiti ng kaluluwa saka ito nagsalita.

"Nestor. Nestor ang tunay kong pangalan."

Inferno's HeiressDonde viven las historias. Descúbrelo ahora