47-Mahaba pa ang Gabi

489 14 0
                                    

TUMIGIL ang mundo.

Bumagal ang oras.

Naging malabo ang lahat sa paligid niya.

Bumilis ang pagpintig ng puso niya.

Sumentro lamang ang buong paningin niya sa dalagang lumabas mula sa kuwartong 'yon.

Kay Ella.

Simple lamang ang suot ni Ella. Isang pulang bestida na humahapit sa baywang ng dalaga na may mga kumikintab na disensyo sa laylayan na lalong nagpalabas sa natural na ganda ng hubog ni Ella. Mayroon pang suot na pilak na bracelet na pag-aari pa ng kanyang ina na bumagay naman sa sinuot nitong anim na pulgadang taas ng heels. At basta lamang nakalugay ang malambot at tuwid na tuwid na buhok ng dalaga. At higit na kapansin-pansin ay wala itong suot na balabal para ikubli ang ang peklat nito sa pisngi. Sa sandaling 'yon, nasilayan niya ang 'totoong' Ella.

Wala naman silang hagdan sa loob ng bahay, pero pakiramdam ni Joseph, ang sandaling paglabas ni Ella mula sa kuwarto, ay para itong isang napakagandang prinsesang dahan-dahang bumababa sa hagdan. Habang siya, isa siyang napakaguwapong prinsipe, nakatitig sa napakagandang dalagang nasa harapan niya, nag-aabang sa dulo ng hagdan, upang abutin at hagkan ang kamay nito. At sa oras na maging isa ang kanilang mga palad, hindi na niya ito pakakawalan pa.

"Ano, Joseph, tutunganga ka na lang ba d'yan?"

Bumalik siya sa realidad nang bumanat ang kanyang ina. Dahil sa ginawa ni Aling Milagros ay parang nakaramdam siya ng pagkapahiya at tila rumehistro yata 'yon sa kanyang pisngi. Pakiramdam niya'y nag-iinit na mga 'yon. Pakiramdam niya'y namumula na yata siya. Hiniling na lang niya sa utak na huwag naman sanang masira niyon ang sinuot niyang 'antigong' tuxedo na binagayan niya ng checkered na kurbata. 'Di gaya ng nakasanayan niyang istilo ng buhok na 'pataas', naglagay siya ng pomada sa pagkakataong iyon upang maging 'bagsak' at 'inosente' ang dating niya. Pinaghandaan rin naman niya kahit 'papaano' ang pagharap kay Ella.

"P-para sa'yo," nauutal pang wika ni Joseph habang iniaabot ang isang pirasong pulang rosas sa dalaga. Minabuti niyang isang piraso talaga ang iabot sa dalaga, dahil nang huli siyang magtangkang mag-abot ng isang bungkos na bulaklak sa dalaga, ay 'nabasura' lamang.

"Salamat."

Umalingawngaw ang malakas na palakpakan sa loob ng bahay dahil kay David-at pati kay Aling Milagros, nang tanggapin ni Ella ang bulaklak. Napakalalawak ng ngiti ng mga ito na animo'y tumama sa lotto. Mga kinikilig na animo'y nanonood ng isang napakagandang pelikula. Dahil sa ginawa ng ina at kapatid ay nakita niyang 'nailang' rin ang dalaga sa paligid.

"Bilisan n'yo na! Baka mahuli pa kayo sa date n'yo," panunudyo pa rin ni Aling Milagros na talagang hindi pa rin paaawat sa kilig sa kanilang dalawa.

Inialok ni Joseph ang kanyang kamay kay Ella bilang paanyaya. Tinanggap naman 'yon ng dalaga. Naramdaman niya ang panginginig at panlalamig ng kamay ni Ella. Kinakabahan ito. Nginitian niya ito upang kahit papaano'y mapakalma ito. Pagpapahiwatig niya na 'ligtas' ito sa mga tabi niya.

"Tara?"

Bahagyang ngumiti ang dalaga sa kanya at tumango bilang pagsang-ayon. Nagpaalam na sila kay Aling Milagros at nagbilin pa nga ito na mag-ingat sila. Magkahawak-kamay silang lumabas ng bahay. Madilim na ang paligid sa labas, at tanging tanglaw lamang nila ay ang buwan at mga bituin sa kalangitan, at ang liwanag na nanggagaling sa loob ng bahay. Doon ay nag-aabang na ang sasakyang maghahatid sa kanila sa St.John's University.

Ang motorsiklo.

Iniabot ni Joseph ang helmet kay Ella. "Okey lang ba kung magulo saglit ang buhok mo?"

Nginitian lang siya ni Ella saka isinuot na nito ang helmet. Sa pagkakataong 'yon nakahinga nang maluwag si Joseph. Sumakay na siya sa motor at ini-start 'yon. Bagama't makapal ang tela na bumabalot sa katawan ni Joseph, dumaloy sa kanyang balat ang init na nanggagaling sa palad ni Ella nang yumakap ito sa kanyang tiyan nang umangkas ito. Awtomatikong lumabas ang ngiti niya na naikubli ng helmet. Habang bumibilis ang takbo nila, siya namang pagbagal ng mundo sa paligid nila. Sa tagpong 'yon, kapwa sila nakalimot sa realidad.

Mahaba pa ang gabi.

Inferno's HeiressWhere stories live. Discover now