23-Nilamon ng Panibugho

850 29 17
                                    

"INUTIL!" umalingawngaw ang sigaw ni Lucifero na noo'y nagkukubli naman sa katawan ng isang batang babae. Sinakal ni Lucifero ang leeg ni Damarkus. Bagama't maliit ang kamay na iyon ay naiangat pa rin niya sa ere ang kanyang Kalihim. Gamit ang lakas ay itinapon niya si Damarkus at tumalbog ito sa sementadong dingding. Hindi halos makagalaw si Damarkus dahil sa ginawa ng kanyang panginoon. "Nauubusan na ako ng panahon, Damarkus! Sawang-sawa na ako sa mga palusot mo! Pinagbigyan kita sa mga diskarte mong walang silbi! Napakatagal kong naghintay pero walang nangyayari! Ang ayaw ko sa lahat ay ang nililinlang ako!" nanggagalaiting turan ni Lucifero sa kanyang kalihim.

Dahil sa galit ng Hari ng mga Diyablo ay nabasag na niya ang hawak niyang botelya na may asul na likido na nagsisilbing orasan niya sa huling yugto ng Asul na Araw. Umagos ang laman niyon at pinulbos ang mga napatakan. Ngunit iba na ang kulay niyon. Unti-unti nang nagbago ang kulay ng likido. Kumupas na ang asul nitong kulay-senyales na nauubusan na siya talaga ng panahon. Kung hindi niya mapapabalik si Devila sa impyerno ay tiyak na hindi na niya maaatim pa ang inaasam niyang kapangyarihan. At hindi siya makakapayag!

"Kung hindi mo kayang gawin ang simpleng pinagagawa ko, ako na mismo ang kikilos. At sa gagawin ko, wala na siyang kawala pa!" Pagkasabi niyon ay nagpalit-anyo si Lucifero bilang isang paniki at lumipad palayo. Naiwan roon si Marco na nakasalampak sa sahig habang hinahabol ang sariling hininga. "Kailangan kong magmadali. Kailangan kong balaan si Ella. Nasa panganib siya."

"JOSEPH, magpapaliwanag ako..." wika ni Ella nang sa wakas ay maabutan na niya si Joseph malapit na gate ng St. John's University. Habol niya ang sariling hininga matapos niyang halos takbuhin ang daan maabutan lamang ang binata. Ngunit nagbingi-bingihan pa rin ito at nagdire-diretso lamang sa paglalakad hanggang sa makalabas na sila ng unibersidad.

"J-Joseph..." nangangatal na halos na wika ni Ella dahil sa pagod. Halos pabulong na rin 'yon. Pahiwatig na kahit saglit ay huminto man lang ang binata at harapin siya nito. At iyon naman ang nangyari. Huminto nga sa paglalakad si Joseph. Hinarap siya nito. Ngunit isang blangkong ekspresyon lamang ang ipinakita nito sa kanya. Ang ekspresyon na 'yon na lalong 'nagpa-guilty' kay Ella.

"Umuwi na tayo!" malamig lamang nitong tugon.

Walang kumbersasyon ang naganap sa pagitan nina Joseph at Ella kahit na sila lamang dalawa ang nasa loob ng tricycle. Nakatungo si Joseph, senyales na nag-iiwas ng tingin sa dalaga. Umiiwas sa pagsisimula ng usapan. Si Ella naman ay nakabaling ang paningin sa labas, pinapanood ang mabilis na pagbabago ng tanawin, ngunit kasabay niyon ang paglalakbay ng kanyang isip. Hindi nga mawari ni Ella kung saan siya mas nabibingi, kung sa ugong ba ng makina ng tricycle, o sa katahimikang bumabalot sa kanila.

Maging sa makababa sila ng sasakyan, at kahit sa paglalakad, ay ganoon pa rin ang eksena. Nauunang naglalakad si Joseph samantalang halos patakbong humahabol si Ella. Lakad...Habol...Lakad. Hanggang sa hindi na talaga nakatiis pa si Ella sa ikinikilos ni Joseph.

"Joseph, ano ba? Pakinggan mo naman ang sasabihin ko..."

"Para saan pa? Para mag-imbento ka na naman ng kung anu-ano! Pagtatakpan mo na naman ang totoo?" Hindi na nakapagpigil pa si Joseph at sumabog na nga ang kinikimkim niyang emosyon na kanina pa niya itinatago. Napagtaasan na niya ng boses si Ella, kahit na aminado siya sa sariling wala naman talaga siyang karapatang gawin 'yon sa dalaga. Maging si Ella ay nagulat sa reaksyon ni Joseph sa kanya. Buti nga lamang at tanging sila lang ang nasa daanang iyon papauwi sa kanilang tinutuluyan.

"Bakit ba nagkakaganyan ka? Wala akong ginagawang masama!" may namuo nang mga luha sa mata ni Ella.

"Nagkakaganito ako dahil ayaw kong nakikita kitang may kasamang iba!" sumambulat ang mga katagang 'yon mula sa bibig ni Joseph. Gumagaralgal pa nga ang tinig niya dahil sa bugso ng kanyang emosyon. Maging si Ella ay nagulat sa kanyang narinig. "Gusto ko ako lang...Dahil ayaw kong masaktan ka! Dahil ayaw kong mapahamak ka! Dahil mahal-napahinto sa pagsasalita si Joseph. Napatitig siya noon sa nahihikbi nang si Ella. "Dahil mahalaga ka sa akin!"

"Joseph..." tanging iyon lamang ang naisagot ni Ella sa mga nasambit ng binata patungo sa kanya. Nanginginig ang tinig na iyon, Marahan. Ngunit sa paraan ng pagkakasabi, nadala na niyon ang mensahe at emosyong nais sabihin ni Ella.

"Pero sa nakita ko kanina, may napatunayan ako. Na 'yong pinoprotektahan ko, hindi pala niya ako kailangan. Na 'yong taong mahalaga sa akin, hindi ko pala kilala. Na 'yong taong iniingatan ko, niloloko lang ako. Niloloko lang kaming lahat!"

"Kaibigan ko lang si Marco. Maniwala ka..."

"Kaibigan? Kaibigan nga lang ba, ha? E, anong ibig sabihin nito?" nanginginig ang mga kamay ni Joseph habang may dinudukot sa kanyang bulsa. Isang nilamukos na papel. Ibinuka iyon ni Joseph at inilantad sa dalaga.

Tumambad sa kanya ang sariling larawan-isang napunit na pahina sa aklat ng Katuparan. Dahil doo'y biglang napatda ang mga labi ni Ella. Hindi niya magawang makapagsalita sa binata. Umagos ang malamig na pawis sa noo ng dalaga.

"Nahulog ito ni Marco nang minsang makasalubong ko siya. Nagulat ako nang makita ko 'to. Nagtaka. Nagduda. Pero hindi ko na lang pinansin. No'ng una, akala ko nagkataon lang. Akala ko wala lang 'yon. Kaya ipinagwalang-bahala ko na lang. Pero sa nakita ko kanina! Kung paano..."nahihirapan nang magsalita si Joseph dahil sumisingit ang kanyang mga paghikbi. "Kung paano mo siya yakapin!"

Akmang hahawakan ni Ella ang mga kamay ni Joseph ngunit umiwas ito sa kanya.

"Ella, sino ka ba talaga, ha? Ano ba talagang mayroon sa inyo nang lalaking 'yon? Nawala nga ba talaga ang alaala mo, o ginagamit mo lang kami para makapagtago ka, ha? Para makatakas-

"Oo!"

Sumigaw nang malakas si Ella para mapahinto si Joseph sa mga katanunagn nito sa kanya. Sa tinding bugso ng kanyang emosyon ay tuluyan nang bumagsak ang mga nagbabadyang luha sa kanyang mga mata. Bumalong iyon at dire-diretso lamang sa pagpatak. Sisigok-sigok na nagsalita si Ella. "A-ako nga ang nasa larawan na hawak mo...Pero, nagkakamali ka sa iniisip mo..."

"Kung ganoon bakit hindi mo sabihin sa akin ang buong katotohanan? Anong ikinakatakot mo! Anong pumipigil sa'yo!?"

Pinipilit pakalmahin ni Joseph ang kanyang sarili. Dahil sa totoo lang, labis-labis na siyang nasasaktan sa tagpong iyon. Sobra na siyang nasasaktan dahil nakikita niyang umiiyak si Ella. Nakikita niyang nasasaktan ito. Sa totoo lang, ayaw nang ituloy pa ni Joseph ang usapang iyon, kundi sunggaban na lamang ito at gawaran ng isang mahigpit na yakap, para kahit papaano'y maibsan man lamang kahit kakaunti ang nararamdaman nitong sakit-sakit na siya mismo ang may kagagawan. Ngunit sa tagpong iyon, napag-ibabawan siya ng galit at selos, kaya hindi niya magawa.

Hindi na alam ni Ella kung ano na ang sasabihin, gagawin, o dapat na maramdaman.Tila nasemento siya sa kinatatayuan, nakatitig sa seryosong mukha ni Joseph, habang patuloy lamang sa pag-agos ang kanyang mga luha. 'Nakulong' na siya ni Joseph sa isa sa mga pinangangambahan niyang pangyayari. At matagal na niyang alam na isang bagay lamang ang makakapagpalaya sa kanya sa 'pagkakakulong' na 'yon. Upang tuluyan na siyang makawala sa ikinukubling takot at pangamba-ang pagsisiwalat ng buong katotohanan.

"Joseph..." gumagaralgal pa ang tinig na iyon ni Ella habang binabanggit ang pangalan ng binata, dahil na rin sa magkahalong iyak at pag-aalinlangan. Humugot siya ng isang malalim na hininga, upang maihanda ang kanyang sarili-sa anumang kahihinatnan ng mga pangyayari pagkatapos ng gagawin niyang iyon.

"Ito..." nanginginig pa ang kamay ni Ella habang tinatanggal ang balabal na humaharang sa kanyang peklat "Ito ang dahilan ng lahat..."

Tumambad sa paningin ni Joseph ang kahubdan ng mukha ni Ella. Itinuon ng dalaga ang buo niyang konsentrasyon at lakas para maipakita kay Joseph ang kanyang 'kakayahan'. Ngunit bago pa man masilayan ni Joseph ang pag-aapoy niyon, ay ginulantang sila ng pagliliparan ng mga ibon sa paligid-kasabay ng pag-alingawngaw ng isang sigaw mula sa isang pamilyar na tinig. Hindi nila maipagkakaila kung sino ang may-ari ng boses na iyon-si Aling Milagros!

Inferno's HeiressTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon