31-Lagusan

766 25 2
                                    

NAKASENTRO lamang ang paningin ni Ella sa sementadong pader sa bakuran ng apartment ni Marco. Isang dipa mula sa puting bakod ay nakatayo roon ang binata; pawis na pawis, hawak ang isang malaking aklat, habang umuusal ng isang engkantasyon.

At mula sa pader na 'yon, gumuhit ang isang malaking parisukat na apoy. Bahagya pa ngang napaatras si Ella dahil nagulat siya sa nasaksihan. Mula sa kinatatayuan niyang iyon ay nasilayan niya sa daanan ang madilim na bahagi ng Kawakas-nagtagumpay si Damarkus na lumikha muli ng pansamantalang lagusan!

Ibinuka ni Damarkus ang kanyang kanang palad at itinutok sa naglalagablab na lagusan habang hawak sa kaliwang kamay ang aklat. Habol nito ang hininga. Ibinuhos roon ang buong lakas. Bahagya siyang lumingon kay Ella. "Kailangan na nating magmadali, prinsesa. Handa ka na ba?"

Handa na nga ba siya?

Hindi niya akalaing sa mismong sandaling 'yon ay magdadalawang-isip na naman siya. Oo, siya na mismo ang nagsabi kay Marco na kailangan na niyang harapin ang pilit niyang tinatalikurang tadhana-para sa ikabubuti ng lahat. Nagdesisyon na siya. At hindi na dapat magbago 'yon dahil isiniksik na niya sa utak niyang handa na siya. Dapat ay buo na ang kalooban niya? Ngunit bakit parang napaatras siya matapos makita ang kapiraso ng mundong tinatakasan niya?

Napalunok siya ng laway. Humugot ng isang malalim na hininga. Bagama't nag-iinit ang paligid ay tila nanginginig ang kanyang kalamnan sa lamig. Napatingin muli siya sa nagpupumilit na sumasarang lagusan. Nagtamang muli ang paningin nila ni Marco na napaluhod na sa madamong bahagi ng bakuran.

Handa na nga ba siya?

Kaya na nga ba niyang harapin ang galit ng 'ama' dahil sa kanyang pagsuway? Kaya na nga ba niyang maging tunay na prinsesa? Kaya na nga ba niyang pumasok sa lagusang iyon, gayong alam niyang hindi na siya muling makakabalik pa?

Handa na nga ba siya?

Gumuhit muli sa kanyang alaala ang tahanang iyon-ang isang payak na tahanan sa looban ng isang payapang baryo. Ang tahanang nagparamdam sa kanya na magkaroon ng simple ngunit masayang pamilya. Ang tahanang nagparamdam sa kanya ng busilak na kabutihan. Ang tahanang nagturo sa kanyang magmahal.

Kumirot ang kanyang dibdib. Masakit para sa kanya na siya pa mismo ang dahilan kung bakit napahamak ang mga ito. At masakit sa kanya na masamang alaala ang iiwan niya. Ni hindi man lang siya nagkaroon ng pagkakataong magpaliwanag, humingi ng tawad, at magpasalamat. Masakit tanggaping-hanggang doon na lang talaga ang lahat.

Handa na nga ba siya?

Napaigtad si Ella nang biglang sumalingsing ang bakal na gate ng apartment. Napalingon siya roon-kahit sa mumunting pag-asa'y masilayan niya doon ang mukha ng taong inaasahan niyang dumating. Umaasang kahit sa kahuli-hulihang pagkakataon ay pigilan siya nito-bago mahuli ang lahat.

Hangin. Hangin lang pala. Hangin lang pala ang may kagagawan niyon. Walang mukhang sumulpot doon 'di gaya ng inaasahan niya. Hangin. Saka niya napansing lumalakas at lumalamig na ang lahat. Dumidilim na ang kalangitan na animo'y nagagalit na ito. Nagawi na muli ang paningin niya sa lagusan. Lalo nang naglalagablab ang apoy at nasunog na nga ang mga damong malapit roon. At tuluyan na ngang nagpalit anyo si Damarkus upang mas makontrol ang lagusan. Napapadaing na ito.

"P-prinsesa...panahon na!"

Panahon na.

Handa na nga ba siya?

Naipikit niya ang mga mata. Nagisnan ang walang-hanggang kadiliman. At sa pagkakapikit na iyon-umagos ang isang butil na luha. Dinilig niyon ang kanyang peklating pisngi. At sa isang iglap-nag-apoy ang mga iyon. Hanggang sa magliyab na rin ang buo niyang katawan.

Handa na nga ba siya?

"O-oo...h-handa na ako."

At sa paghakbang ng kanyang mga paa patungo sa lagusan-

Inferno's HeiressWhere stories live. Discover now