26-Malamig na Gabi

860 26 0
                                    

NANUOT ang lamig na dala ng hangin sa balat ni Joseph kahit na may suot siyang jacket ng mga oras na iyon. Alas-dos na ng madaling-araw, ngunit hindi pa rin siya dalawin ng antok kahit pa sabihing pagod at masakit ang katawan niya. Minabuti niyang magtungo na lamang sa beranda ng ospital malapit sa kuwarto ng kanyang ina at kapatid. Masuwerte nga siya't kahit ganoong oras na ay bukas pa rin ang pintuan papunta roon.

Mag-isa lamang siya roon; ang liwanag na nagmumula sa isang aandap-andap at malabong bombilya sa dulo ng kisame ang siyang nagsisilbing tanglaw niya roon. Madilim roon ngunit hindi niya inalintana. Halos mag-iisang oras na siyang naroon, nakaupo sa isang kahoy na bench na naroon, nakatanaw lamang sa mangilan-ngilang bituing mumukat-mukat sa madilim na kalangitan. Nag-iisip. Nagmumuni-muni.

Naalala ni Joseph ang huling pagkakataong tumitig siya sa kalangitan nang ganoon katagal. Kasama niya si Ella.

Si Ella.

Sinabi pa niya sa dalaga kung ano ang dahilan kung bakit niya iyon ginagawa at itinuro pa niya rito ang paghiling sa shooting star. Napakasaya nilang dalawa. Napakasaya niya.

Iyon.

Iyon ang pinakahindi niya malilimutang tagpo sa kanyang buhay na kasama si Ella.

Si Ella.

Muling naglaro sa kanyang isipan ang imahe ni Ella.

Paulit-ulit.

Ang tagpo kung saan unti-unting nagbago ang anyo nito-bilang isang ganap na diyablo. Ang tagpong nagpabago sa lahat sa kanila. Ang nag-aapoy at nanlilisik nitong mga mata, ang matutulis nitong mga sungay, ang mahaba nitong buntot, at ang nagliliyab nitong katawan. Ang tunay nitong katauhan-si Devila.

Ang katauhang pilit nitong itinago sa kanila. Ang katauhang pinilit nitong inilihim. Ang katauhang pilit nitong tinatakasan.

Ipinaliwanag sa kanila ni Marco ang lahat-lahat. Ang tungkol sa Katuparan, sa Asul na Araw, ang paglilipat rito ng trono, ang pagtakas nito ng impyerno, ang dahilan kung bakit pilit nitong inilalayo ang sarili sa kapalaran, at ang dahilan kung bakit inilihim nito ang lahat-lahat ng iyon sa kanila.

Nang marinig ni Joseph ang lahat ay hindi niya alam kung paano iyon sisimulang tanggapin. Ni hindi niya alam kung ano ba ang kanyang nararamdaman.

Pagkamangha? Pagkamangha dahil kahit sa kabila ng kasamaang pinanggalingan nito, taglay nito ang 'di maikukubling kabutihan?

Galit? Galit dahil nagsinungaling ito sa kanila, at sa kanya?

Pag-aalinlangan? Pag-aalinlangan dahil hindi niya alam kung dapat pa nga ba niyang ipaglaban ang nararamdaman para rito?

Pangamba? Pangambang anumang sandali ay maaaring mawala nang tuluyan sa kanya si Ella?

Takot? Takot dahil baka wala siyang magawa kung sakaling dumating nga ang sandaling iyon?

O, ang 'di maikukubling sakit?

Dahil sa simula pa lang, hindi na sila nararapat para sa isa't-isa? Dahil ang mismong impyerno na ang humahadlang sa kanila?

Bumalik sa kanyang gunita ang tagpo kung saan walang pag-aalinlangang itinaya ni Ella ang sarili nitong buhay mailigtas lamang siya nito kay Lucifero. Hindi niya maiwasang magtanong sa kanyang sarili.

Handa na nga rin ba siyang itaya ang sariling buhay para kay Ella mailigtas lamang ito? Gayong mismong ang sarili niya ay hindi niya kayang iligtas?

Tumingala muli si Joseph sa kalangitan. Dinama ang lamig ng hanging kanina pa dumadampi sa kanya. Bagama't walang 'shooting star', ipinikit niya ang mga mata. Saka ibinulong sa hangin ang ang kanyang dasal at kahilingan. Kahilingang isinisigaw ng kanyang puso.

"Panginoon, bigyan mo ako ng lakas ng loob para gawin kung ano ang tama. Kung ano ang nararapat. Panginoon, anuman ang mangyari, huwag mo siyang hahayaang mawala."

Inferno's HeiressDonde viven las historias. Descúbrelo ahora