35-Pamamaalam

736 22 2
                                    

"DAMARKUS..." pagtawag ni Ella sa totoong pangalan ng Kalihim-sa kanyang matalik na kaibigan. Sa totoo lang, hindi niya alam kung paano magsisimulang sabihin rito ang desisyon niya. Lalo na't kahit hindi man nito aminin, alam niyang nasasaktan niya si Damarkus. Ngunit isang mapait na ngiti ang isinagot sa kanya ng binatang diyablo.

"Prinsesa...Ella...h-hindi mo na kailangan magpaliwanag. Sa simula pa lang, e, alam ko na talaga kung ano ang magiging desisyon mo. 'Wag kang mag-alala, ayos lang ako. M-masay ako dahil...p-pinakinggan mo kung ano talaga ang sinisigaw ng puso mo. Kung saan ka magiging maligaya, doon din ako."

Pinipigil ni Damarkus ang napipinto niyang pagluha ngunit hindi maitatago ang marahas niyang paghikbi. Mabigat ang dibdib niya ng mga oras na iyon. Animo'y sasabog na. Matindi ang pagkirot. Masakit, sobrang sakit ng nararamdaman niya. Dahil dumating na siya sa sukdulan ng kanyang pagpaparaya-pamamaalam. Pero kailangan niyang tiisin ang lahat ng sakit na iyon-para kay Ella.

Kitang-kita niya kung gaano kamahal ni Ella si Joseph, at ganoon rin ang binata para kay Ella. Kaya't marahil, napagtanto na niya ang 'tunay' na kapalaran ng kanilang prinsesa. Iyon ay sa mundo ng mga mortal, kasama ng mga taong minamahal nito.

Sa piling ng lalaking umiibig kay Devila.

"P-pero, paano ka?"

"Babalik ako sa impyerno. Hahanapin ko ang mga nawawalang pahina sa aklat ng Katuparan. Tiyak na si Haring Lucifero ang may kagagawan niyon. Alam kong may malaki siyang lihim kaya niya iyon ikinubli. Tutuklasin ko ang mga lihim niya. Para tuluyan nang mapigil ang Asul na Araw. Para tuluyan ka nang maging malaya."

"Sobrang mapanganib ang gagawin mo! Paano kung mapahamak ka?"

Isang mahigpit na yakap ang iginawad ni Ella sa kanyang kaibigan. Isang yakap na animo'y nagsasabing 'wag na siyang umalis. At sa pagkakataong iyon, tumugon din si Marco. Ninamnam niya ang init na nagmumula sa katawan ng dalaga. At sa tagpong 'yon, parang ayaw na nga niyang kumawala pa. Dahil-baka iyon na nga ang kahuli-hulihang pagkakataong mayayakap niya ito.

Ngunit kailangan niyang harapin ang nagbabadyang panganib para sa kaibigan niyang prinsesa. Kailangan niyang magsakripisyo, para sa tuluyang paglaya nito. Kaya kumawala na siya sa pagkakayakap dito. Hinawi niya ang buhok na dumikit sa mukha ng dalaga dahil sa luha. Hinimas ang pisngi nito at sinikap na bigyan ng isang ngiti. Bagama't hindi na siya nakapagsalita pang muli, mukhang naintindihan naman ng dalaga ang gustong iparating ng kanyang mga titig: 'Kailangan ko 'tong gawin...para sa'yo."

Isang mas mahigpit na yakap ang muling ibinalik ni Ella. "Damarkus, maraming salamat. Mag-iingat ka."

Bumaling naman si Damarkus kay Joseph. Iniabot niya rito ang isang botelya na may lamang likido at tinanggap naman iyon ni Joseph. "Ang likidong 'yan ang magsasabi kung kailan darating ang huling yugto ng Asul na Araw. Kailangan n'yong mag-ingat...lalo na kapag dumating ang takdang oras. Lalo na't hindi ko alam kung nasaan na si Lucifero pagkatapos nang ginawa ko sa kanya. Tiyak na mas matindi pa ang gagawin niya. Kailangan natin siyang maunahan at mapigilan."

Isang kaswal na yakap din ang ibinigay ni Joseph kay Marco at tinapik-tapik naman ng huli ang likod niya. Bumulong ito sa kanya at may ipinaalala. "Pare, ingatan mo si Ella. At sana...handa ka na."

Gumuhit muli sa alaala ni Joseph ang naganap na kumbersasyon sa pagitan nila Marco sa ospital noon. 'Di na naman niya maiwasang mapaisip sa sinabi nito.

Handa na nga ba siya?

"Paalam. Hanggang sa muli nating pagkikita." Isang matipid na ngiti ang sumilay sa mukha ni Marco saka ito tumalikod. At sa pagtalikod niya, doon na sumabog ang kanina pa niya kinikimkim na pagluha. Gusto niyang pumalahaw, ngunit kinagat na lamang niya ang sariling labi upang tiisin ang sakit. Panandalian lamang 'yon-hanggang sa nagpalit-anyo na siya. Gamit ang Aklat ay binuksan niya muli ang lagusan. At wala nang nagawa pa si Joseph at Ella kundi ihatid na lamang siya ng tingin papasok sa parisukat na apoy. Hanggang sa tuluyan nang maglaho si Damarkus sa loob niyon at magsara ito.

Tahimik na lumuha si Ella nang nawala sa paningin niya si Damarkus. Buti na lamang at nandoon ang mga mainit na palad ni Joseph para patahanin siya.


Inferno's HeiressWhere stories live. Discover now