49-Pag-aalala

462 14 0
                                    

UMALIS lamang saglit si Joseph sa venue upang maghanap ng tubig na maiinom ni Ella. Pansin kasi niyang biglang naging balisa ang dalaga at biglang hindi naging maganda ang pakiramdam nito. Hindi niya nga maipaliwanag kung bakit, dahil sa pagsisimula ng gabi ay 'napakaligaya' pa nila.

Kulang na nga lamang ay murahin ni Joseph ang mga organizers at committee ng freshmen ball dahil hindi man lamang nakapaghanda ang mga ito ng tubig na maiinom para sa event, pero sandamakmak sa paligid ng event ang mga 'nakakalasing' na inumin at samu't saring mga 'bagay'.

Naturingan pa naman silang 'respected catholic institution' pero lantaran pa ang mga bagay na 'yon. Hindi niya nga maintindihan kung paano nagkaroon ng ganoong pagdiriwang sa ganoong klaseng institusyon. Kung anong 'klaseng himala' ang nangyari at nakumbinsi ng kumite ang mga 'ulo' ng paaralan na magkaroon ng ganoong klaseng programa.

Kung tutuusin, may mga mangilan-ngilang mga guro pa nga sa paligid pero parang walang pakialam ang mga ito. O, sadyang nagbubulag-bulagan lang. Hindi niya lang talaga maatim na kahit sa mismong 'kagalang-galang' na lugar ay laganap ang mga impokrito at impokrita.

Buti nga't nakahanap siya ng tubig sa may College of Arts Building pa. Napakalayo na niyon sa events hall kaya't naiinis talaga si Joseph. Matapos ang ilang minutong lakaran ay bumalik na siya sa events hall. Pagkatapos niyang mapainom si Ella ay yayakagin na niya itong umuwi. Masama na ang pakiramdam nito at medyo malalim na rin ang gabi. Isa pa, hindi sila puwedeng magtagal sa lugar na 'yon dahil sobrang mapanganib para kay Ella.

Pero pagdating niya sa events hall, hindi na niya makita si Ella. Wala na ito sa puwesto kung saan niya ito iniwang nakaupo. Dahil doon ay bigla siyang kinabahan. Nilibot niya ang events hall ngunit sa laki niyon at sa gitna ng mga 'nagkakagulong' mga tao, nahirapan siyang hanapin ang dalaga.

Lumapit siya sa mga nandoong kakilala para ipagtanong kung nakita ba ng mga ito si Ella. Ngunit kung hindi 'hindi' ang naging sagot ng mga ito, hangin lang ang isinasagot ng mga ito. Literal na walang pumapansin sa kanya. Napakaingay ng paligid ngunit mas nangibabaw yata sa kanya ang malakas na pagkabog ng dibdib. Tumagaktak ang malalamig niyang pawis, hindi dahil sa makapal niyang suot o sa kapal ng tao, kundi dahil sa matinding takot na lumulukob sa kanya.

'Bakit ngayon pa?'

Nagpalinga-linga pa siya sa paligid ngunit hindi niyon magisnan kahit ang anino ni Ella. Naalala niyang tawagan ang cellphone nito. Nanginginig pa nga ang mga daliri niya habang pinipindot ang de-keypad niyang cellphone para ma-dial ang numero ni Ella. Bumubulong pa siya sa hangin ng 'Ella, sagutin mo, please' habang nagriring ang kabilang linya. At mukhang pinakinggan naman siya ng hangin nang sa wakas ay may sumagot sa kabilang linya.

"Ella, nasaan ka? Kanina pa kita hinahanap. Pumunta-

"Joseph?"

At lalong nagulat si Joseph nang ibang boses ang narinig niyang sumagot.

"Mama? Bakit nasa inyo ang cellphone ni Ella?"

"Naiwan niya dito sa kama niya. Teka? Bakit mo hinahanap si Ella? Hindi mo ba siya-

Hindi na niya nakuha pang tapusin ang pakikipag-usap sa ina nang biglang may malalamig na kamay na humawak sa braso niya. Nabuhayan siya nang loob sa pag-aakalang iyon si Ella ngunit-

"Nathalie?" malamig niyang tugon. Hindi niya akalaing ito pala ang humawak sa kanya. "Anong kailangan mo?"

"K-kailangan kitang makausap," gumagaralgal na tinig na sagot ng dalaga na kababakasan ng pagkabalisa. Ngunit 'di niya ito pinakinggan.

"Hindi ito ang tamang oras-

"Joseph, please!" Hinigpitan lalo ni Nathalie ang pagkakapisil sa braso niya para pigilan siyang makaalis. Bakas sa mga mata ng dalaga ang pagmamakaawa. Ano naman ang sasabihin nitong ganoon kahalaga na hindi na makapaghihintay pa ng ibang pagkakataon? Nagtaka siya kaya pinagbigyan niya na rin ito.

Pumayag siya nang dalhin siya ni Nathalie sa may bench sa ilalim ng puno sa labas ng events hall. Dinig pa rin ang malakas na ingay mula roon ngunit kahit papaano'y malinaw na silang makakapag-usap doon.

"Nathalie, ano ba talagang kailangan mo? Nagmamadali ako."

"I desperately need to talk about Katrina."

"Isa na naman ba 'to sa mga palabas n'yo? Sorry, Nathalie, but I don't have the time-

"Joseph, hindi," seryoso at mataas na boses na sagot ni Nathalie. Madilim man nang bahagya roon ngunit nababanaag ni Joseph ang pagkaseryoso sa mukha ng dalaga. "I came here alone. I came here clean. Please, Joseph, pakinggan mo ako."

Hinarap niya si Nathalie.

"Joseph, kailangan ka ni Katrina."

"Tapos na kami! Bakit ba ipinagpipilitan n'yo pa rin kami? Hindi n'yo ba talaga maintindihan 'yon?"

"No, that's not what I mean. What I mean is...she needs you as a friend. Alam kong puro gulo ang binigay niya-namin sa inyo ni Ella, pero kailangan niya talaga ang tulong mo."

"Anong ibig mong sabihin?"

"Alam namin ni Gretha na patay na patay sa'yo si Katrina at nagpabulag na siya sa pagmamahal niya sa'yo, pero iba na 'to. Parang hindi na siya 'yong normal na Katrina na kilala namin. Nag-away kami lately, pero dahil magkaibigan kami, hindi ko siya matiis. Sinubaybayan ko ang mga kilos niya. Lagi ko na lang siyang naririnig na sumisigaw sa unit niya. O, dumadaing. O, umiiyak. Or, tumatawa ng malakas. O, minsan parang may kinakausap. Wala namang pumapasok sa unit niya. I tried to knock and talk to her, pero 'di niya talaga ako pinagbubuksan. There's 'something' going on with her." Halos mapaiyak na nga si Nathalie sa pagkukwento.

Naramdaman ni Joseph ang sinseridad kay Nathalie. At pansin din niya ang mga 'kakaibang' nangyayari kay Katrina na sinasabi ni Nathalie. 'Masalita' man at masungit si Katrina, alam niyang mabuti pa rin naman itong tao. Kaya naniniwala pa rin siya sa sinasabi ni Nathalie. Ngunit isa lang talaga ang mahalaga sa kanya sa sandaling 'yon, ang makita si Ella.

"Alam kong ikaw lang ang makakatulong sa kanya, Joseph. Iligtas mo siya bago mahuli ang lahat."

"Naiintindihan kita. Pero sa susunod na lang talaga tayo uli mag-usap. Kailangan kong magmadali. Kailangan kong hanapin si Ella."

"Ano? Nawawala si Ella?" takang tanong ni Nathalie.

"Bakit, nakita mo ba siya?"

"Joseph, I heard the committee. They'd talk about something. Baka may kinalaman-

Hindi pa man tapos magsalita si Nathalie ay kumaripas na ng takbo si Joseph papasok sa events hall. Ngunit bago pa man niya tuluyang makita si Ella sa loob, umalingawngaw na ang kaguluhan.

Inferno's HeiressWhere stories live. Discover now