7-Pangamba

2K 62 6
                                    

MAINGAY ang mga ugong ng sasakyan sa kalsada at ang mismong tricycle na sinasakyan ni Ella ngunit nangingibabaw pa rin sa kanyang kabuuan ang malakas na pagtahip ng kanyang puso. Ramdam niya ang mabilis na pag-usad ng tricycle pero tila naiiwan sa pagkamalay ang kanyang isip.

Nag-aalala siya sa kung ano ang kanyang haharapin at sa maaaring mangyari sa kanya sa lugar na kanilang pupuntahan. Isa pang ikinakatakot niya ay ang lihim sa kanyang pagkatao. Paano kung bigla itong mabunyag dahil sa pagpayag niya sa kagustuhan ni Aling Milagros? Paano kung sa halip na matakasan niya nang tuluyan ang kapalaran ay bigla siyang mapahamak? Paano kung mali pala ang kanyang desisyon?

Ngunit hindi na rin naman siya nagawang makatanggi pa. Ayaw niyang sayangin ang kabutihang ibinibigay ni Aling Milagros at ang pamilya nito. Ayaw niyang sirain ang tiwala ng mga ito dahil lang sa may itinatago pala siyang lihim. Isa pa, baka sa ganoong paraan ay magagawa niyang masuklian ang kabutihan ng mga ito sa kanya. Hindi niya maitatanggi ang sinabi ni Joseph sa kanya na siya ang dahilan ng kaligayahan ng ina nito dahil naaalala nito ang nasirang anak sa kanya. Ayaw naman niyang makita itong malungkot dahil napamahal na rin siya sa matanda. Isa pa, baka nga makatulong rin ang gagawin niyang pag-aaral para maibaon na ng tuluyan sa limot si Devila. Kung gusto niyang maging mortal, kailangan niyang mamuhay gaya ng sa isang normal na tao.

"Bahala na." nausal na lamang niya sa kanyang sarili. Napahugot siya ng isang malalim na hininga at napatitig sa hawak na brown envelope. Ang mga dokumentong 'nagpapatunay' na simula sa araw na iyon, isa na siyang ganap na tao. Na simula sa araw na iyon, siya na si ELLA RAMIREZ.

Natigilan sa pagmumuni-muni si Ella nang mapunang huminto na rin sa pag-andar ang tricycle. Mula roon ay nakita niya si Joseph na bumaba na rin at nagtungo sa bungad niya. "Ano? Tara na?" yaya nito sa kanya habang bahagyang nagpakawala ng ngiti. Inabot rin ng binata ang palad niya para tulungan siya nitong bumaba. "Salamat."

Natuon ang buong paningin ni Ella sa kanyang paligid. Mula sa tabi ng highway kung saan sila bumaba ay tanaw niya ang isang napakalaking gate ng unibersidad. Sa taas niyon ay naroon ang logo ng paaralan at nabasa niya ang pangalan nito: St. John University.

Nakita niya ang kumpol ng mga taong doon rin patungo at sunod-sunod rin ang pagpasok ng mga kotse sa unibersidad. Malakas ang hangin ng mga oras na iyon dahil sa napapalibutan ang lugar ng mga puno. Napahawak si Ella sa manipis na bulaklaking tela na tumatakip sa kanyang mukha para maikubli roon ang kanyang peklat. Tenernuhan iyon ng asul na bestidang sumasayaw rin sa hangin, kaya't nababakas rin ang angking ganda ni Ella.

Maging si Joseph ay hindi rin makapaniwalang mangyayari sa kanya ang tagpong iyon. Dati-rati kasi'y tinatanaw-tanaw lamang niya iyon sa tuwing mamasyal sila ng pamilya sa bayan, at pangarap niya lang na makapag-aral sa ganoong klaseng paaralan. Nakakailang beses na rin naman siyang nakakapasok roon. 'Yon nga lamang ay para bisitahin ang kanyang ina. Kahit kasi may benipisyo ang pamilya nila dahil doon nagtatrabaho si Milagros ay pinili niyang ipaglaban ang pag-aaral dahil alam niyang mahihirapan ang ina kaya't pinlano niya munang magtrabaho. Ngunit dahil mapilit ang pagkakataon (at ang kanyang ina) ngayon ay mag-eenrol na siya at natupad na rin ang pangarap na iyon.

"Kinakabahan ka ba?" seryosong tanong ni Joseph. Bumaling siya sa dalaga na kasalukuyan pa ring nakatitig sa university logo. Hindi yata narinig ni Ella si Joseph kaya't hindi siya nito pinansin o marahil ay nilamon na rin ito ng matinding kaba.

Nagitla si Ella sa biglaang may kuryenteng dumaloy sa kanyang kamay, nang hawakan siyang muli ni Joseph doon. Napalingon siya sa binatang nakangiti. "Bakit?"

"Kinakabahan ka nga!" lalong lumawak ang pagngiti ni Joseph. Nasiil niya ang nanlalamig na palad ni Ella upang salinan iyon ng kaunting init. "Huwag ka mag-alala. Nandito naman ako sa tabi mo eh. Tara pasok na tayo?"

Hindi na nakasagot pa si Ella at nagpatianod na lamang siya sa bawat paghakbang ng binata. Kahit papaano'y panatag siya dahil hindi nito binibitawan ang kanyang kamay.

Inferno's HeiressWhere stories live. Discover now