3-Bagong Mundo

3.3K 95 8
                                    

NAALIMPUNGATAN si Devila dahil sa kakaibang init na dumadapo sa kanyang noo. Hindi na siya dapat napapaso ngunit iba ang init ng sensasyon na iyon sa kanya kaya't nabuhay ang kanyang diwa. Babangon na dapat siya upang alamin ang kanyang kinaroroonan ngunit tila nakadikit ang kanyang likod sa hinihigaan kaya hindi siya makakilos.

Mabuti na lang at nagawa na niyang maibukas ang kanyang mga mata. Nabungaran niya ang isang kulay puting kisame na napapalamutian ng mga guhit na yari sa bahay ng anay. Nanibago siya sa nasaksihang kulay na lalong nakapagpapagaan sa kanyang nararamdaman hindi tulad ng kulay ng impyerno na puro kadiliman at kawalan. Mula sa kisame ay nasilayan niya ang isang nagliliwanag na bagay na sigurado siyang dahilan kung bakit siya nagising.

Itinagilid niya ang kanyang ulo nang bahagya para mas lumawak pa ang nasasakop ng kanyang paningin. Namangha siya sa mga sari-saring bagay sa kanyang paligid na hindi niya tukoy kung ano bang tiyak na mga katawagan roon. Ang lubos talaga niyang hinahangaan ay ang mga kombinasyon at istruktura ng mga kulay na sa kauna-unahang pagkakataon lang niya namasdan.

Mula sa pintuan ay lumabas ang isang babae na sa tantiya niya'y kaedaran ng kanyang ama kung susumahin ang anyo nito. Maganda ang kasuotan nito na ngayon lang niya nakita ngunit ang higit na nakagulat sa kanya ay ang reaksyon nito nang makita siya.

"Naku, Ineng, gising ka na!" bulalas nito habang mabilis pa sa buhawi na tumungo sa kanyang kinahihigaan. Maya-maya'y may narinig pa siyang mga pangalang tinatawag ng babae. "Joseph, David! Gising na siya!"

Sumulpot sa kanilang harapan ang isang batang may hawak na lapis at papel. Gulat rin ang reaksyon nito. Hihintayin pa sana ni Devila ang isa pang nagmamay-ari ng pangalang nabanggit ng babae pero nagsalita na ito kaya't natuon na ang kanyang pansin rito. Naharangan na rin ng dalawang nakadungaw sa kanya ang kanyang pagtanaw sa kung may dadating pa ba mula sa pintuan.

"Kamusta ka na? May masakit ba sa'yo? Nagugutom ka na ba? Anong nangyari sa'yo?" Sunod-sunod ang tanong sa kanya ng babae pero hindi niya alam kung alinman sa mga 'yon ang dapat niyang unahin. Tila natututop pa rin ang kanyang labi dahil pareho silang nagulat sa mga nangyayari. Pero nakakasiguro na si Devila na ang kaharap na niya ngayon base sa anyo at pagkilos nito, ay isang mortal; nagtagumpay siya sa kanyang planong pagtakas. At sa paraan ng pagsasalita nito ay kahit papaano'y nararamdaman niyang nasa mabuti siyang mga kamay.

Naramdaman niya ang mainit nitong palad na humawak sa kanya at utay-utay siyang tinulungan para bumangon. Doon na niya napagtanto at napatunayan ang laman ng kanyang mga iniisip. May suot na nga siyang kasuotan na katulad ng sa babae. At ang ikinagulat niya ang napakalaking pagbabago sa kanyang sarili. Ang kanyang makapal at mapulang balat ay naging kayumanggi at makinis. Sinalat niya ang kanyang noo at natuklasang naglaho na rin ang kanyang sungay at nabawasan ang haba ng kanyang buhok. Wala na ring bumubukol sa kanyang likuran kaya't pihadong nawala na rin ang kanyang buntot. Naging ganap siyang mortal!

'Paano ito nangyari? Dahil kaya ito sa lagusan? O sa kapangyarihan ni Damarkus?' ang mga katanungang nabuo sa kanyang sarili. Nabasag ang iniisip ni Devila nang muling magtanong ang babae. "Ineng, ayos ka lang ba?"

Ngunit isang tanong din ang ibinalik niya. "Nasaan ako?"

"Nandito ka sa bahay namin. Dito sa barangay San Rafael." Binato muli siya nito ng kahilerang tanong. "Ikaw? Tagasaan ka? Hindi ka ba taga-rito? Ano ang pangalan mo? May masama bang nangyari sa'yo?"

Isang malamig na boses ang nagpahinto sa 'nag-iinit' na mga tanong ng babae. "Ikaw talaga, Mama. Hinay-hinay lang ang tanong." Nasilayan ni Devila ang larawan ng isang lalaki ang lumitaw mula sa likuran ng babae. Tumingin lang ito sa kanya ngunit wala siyang anumang nahinuhang emosyon sa malalim at purong-itim nitong mga mata. Matangkad ito kung ikukumpara kay Damarkus ngunit hindi gaano kalitaw ang kalamnan nito. Gwapo naman ang hitsura nito ngunit nasapawan iyon ng kawalang emosyon sa mga mata ng binata.

"Maayos na ba ang pakiramdam mo, Miss?" bati nito sa kanya. Isang matipid na pagtango lang ang isinagot niya para sa binata dahil binarahan yata ang kanyang lalamunan. "Ako si Joseph Ramirez. Joseph na lang...Twenty-years old..." may umarkong ngiti sa binata kahit parang pilit lang. "Ako nga pala ang nakakita sa'yo kanina malapit sa balon." Iniabot nito sa kanya ang palad at tinanggap naman niya iyon. Pero pansin niya ang panginginig ng kanyang mga kamay.

Umentradang muli sa kanila ang babae. "Naku, Ineng, pasensya ka na kung hindi ako agad nagpakilala. Nabigla ako eh. Ako nga pala si Milagros Ramirez. Ako ang ina nitong dalawang bugok na ito. Puwede mo akong tawaging Aling Milagros o pwede ring Mommy Milagros!" kung alam nga lang ni Devila ang salitang 'kikay' ay tiyak na iyon ang nababagay na itawag niya sa babaeng nasa harap niya. "Ito naman ang anak kong si David. Magga-grade one na yan sa pasukan!" Sabay hawak sa balikat ng batang patuloy pa rin sa ginagawang pagdodrowing at walang pakialam sa nangyayari. "Ito naman ang anak kong si Joseph. Kaming tatlo lang dito sa bahay. Ay! Hindi pala, kasama pa pala si Brownie!" napapatawa pa nitong pagtutukoy sa alaga nilang aso. "Namatay na kasi ang asawa—

"Mama!" pagpapahinto ni Joseph sa rumaratsadang bibig ni Aling Milagros habang gustong kumawala ng isang irap. Isang tanong ang ibinato nito kay Devila. "Ikaw, Miss, anong pangalan mo?"

Natigilan si Devila at nakaramdam siya ng matinding kaba. Paano nga ba niya ipakikilala ang kanyang sarili?

Gagatul-gatol siyang nagsalita. "Ako si Dev— Napahinto siya sa pagsasalita. Hindi niya maaaring aminin ang katotohanan sa kanyang pagkatao. Buti na lang at dagliang gumawa ng paraan ang kanyang utak para tapalan iyon. "Ako si Ella..." kusang lumabas iyon sa kanyang bibig. Ang pangalan na tuluyang magwawaksi sa kanyang pinanggalingan. At isang panibagong pagkatao ang dapat niyang buuin upang tuluyan na ngang makalimot. Simula ngayon ay isasaksak na niya iyon sa kailaliman ng kanyang ulirat. Mula ngayon, siya ay isa na ring mortal. Siya na si Ella.

"Ahm, tagarito ka ba sa San Rafael? Para kasing ngayon ka lang namin nakita dito sa baranggay namin. Tagasaan ka ba?" Sabad muli ni Aling Milagros. Lalong natuliro si Devila, o mas dapat na tawaging si Ella. Anong lugar ba ang sasabihin niya? Hindi naman niya pwedeng sabihing isa siyang takas na prinsesa...na mula sa impyerno.

Umiling nang bahagya si Ella. May pag-aalinlangan sa sagot niya. "Hindi ko po alam. Hindi ko na po matandaan." Napaniwala naman niya si Aling Milagros pero isang nagdududang titig ang pinakawalan sa kanya ni Joseph. Agad niyang ibinaling muli ang sarili sa babae upang makaiwas na rito.

"Eh, natatandaan mo pa ba kung paano ka napadpad dito sa amin? O anong nangyari sa'yo?" Pinanindigan na niya ang kanyang pagsisinungaling kaya't puro pag-iling ang isinagot niya rito. Pero nabigla siya sa kasunod na sinabi ng ale. "Natagpuan ka kasi nitong si Joseph malapit sa balon namin...Wala kang saplot."

Sa hindi malamang dahilan ay basta na lang namula ang pisngi ni Ella. Nakaramdam siya ng pagkapahiya sa binatang nagligtas sa kanya. Napansin naman iyon ni Aling Milagros kaya't agad ring binawi ang sinabi.

"Naku, Ineng, huwag kang mag-alala sa anak kong 'yan. Mabait na bata yan! Hindi 'yan marunong manilip! Takot sa babae yan! Babae pa nga ang nanlili—

"Mama!" kung puwede nga lang niyang kurutin ang ina ay baka nagawa na niya. Tuloy pati siya'y nahiya na sa dalagang kaharap niya dahil sa mga 'sikretong' ibinunyag ng ina. Inulit muli ng ale ang kanyang mga tanong pero wala siyang nakuhang anumang sagot kay Ella.

"Naku! Nagkaamnesia na yata ang batang ito." Konklusyon ni Aling Milagros. Ngunit biglang may kidlat na gumuhit sa kanyang utak kaya't napahawak siyang bigla sa kanyang bibig at napatuon sa kanyang dibdib."Hindi kaya nagahasa ka, Ineng? Diyos ko!—

"Mama, ang OA mo po." Sa kauna-unahang pagkakataon ay sumabad na si David at parang tinatawanan ang hitsura ng ina sa mga oras na iyon.

"Epekto lang siguro 'yan ng nangyari sa kanya. Maaalala din niya ang lahat. Huwag natin siyang puwersahin." Si Joseph. "Isa pa, paano niya po maaalala ang lahat kung gutom siya?" pagpaparinig nito.

"Oh Siya! Siya! Alam kong gutom na kayo. Hala't magluluto na ako." Bumaling si Aling Milagros kay Ella. "Pupunta muna ako ng kusina ha? Para makakain ka na at mabawi mong lakas mo."

Hindi mapigilan ni Devila na lihim na mapangiti dahil sa kanyang nagisnan. Na sa kauna-unahang pagkakataon ay naranasan niya ang magkaroon ng isang pamilya na nagligtas at kumupkop sa kanya. Ngunit may bahagi niyang nagsisisi at nag-aalala. Tama nga ba ang ginawa niyang pagsisinungaling sa mga ito para maikubli ang katotohanan, sa kabila ng ipinakita nilang kabutihan at pagtitiwala?

Inferno's HeiressWhere stories live. Discover now