44-Sana

568 11 0
                                    

GAANO na nga ba katagal? Gaano na nga ba siya katagal namumuhay sa mundo ng mga mortal? Gaano na nga ba niya katagal pinipilit takasan ang kapalarang itinakda para sa kanya? At gaano katagal na nga niyang pinaniniwala ang sariling may kalayaan siya mula sa ama?

Hindi niya alam. At hindi rin niya alam kung mayroon nga ba talagang kasiguraduhan ang landas na pinili niya.

Heto siya ngayon. Suot ang kanyang uniporme. Naglalakad sa mahabang hallway ng St.John University Library building papunta sa kanyang klase. Kasabay ang matipunong binatang may pagtatangi ang damdamin niya. Si Joseph.

Heto siya ngayon. Nagsisimulang muli. Sinusubukang mamuhay bilang isang normal na tao. Bilang isang normal na dalaga, na may normal na buhay. Kasama ang mga taong mahal niya.

Ito na siya ngayon.

Si Ella.

Dapat lubos na siyang masaya. Dahil nakuha na niya ang buhay na pinakaaasam-asam niya noon pa. Dahil malayong-malayo na siya ngayon sa dating siya. Pero bakit?

Bakit hanggang ngayo'y pilit nagsusumiksik ang lungkot at pangamba sa puso niya? Bakit pakiramdam niya ay nakakulong pa rin siya sa impyernong siya mismo ang gumawa?

'Oh! The freak is back.'

'Nilalandi daw niyan 'yong sariling pinsan!'

'She's not even that pretty. Kadiri kaya!'

'Hindi naman daw talaga 'yan magpinsan. Ang sabi pa nga may itinatago 'yong babae.'

'Baka nakakadiri 'yong secret niya!'

Habang naglalakad si Ella ay umaalingawngaw ang mga samu't-saring mga salitang 'yon sa utak niya. Paulit-ulit. Hindi niya nga alam kung eksaktong sinasabi 'yon ng mga estudyanteng nadaraanan at nakakasalubong niya o epekto lang ng mga panlilit at panghahamak na paulit-ulit lamang niyang naririnig at natatanggap sa tuwing tumatapak siya sa unibersidad na 'yon.

Ang mga malalagkit at matatalim na mga tingin na laging nakapukol at nakasunod sa kanya. Ang pag-iwas ng mga ito sa kanya na animo'y mayroon siyang nakahahawang sakit. Ang mga panghuhusga. Iyon ang sigurado.

Ito na nga ang bagong mundong dapat niyang harapin at tiisin bilang kapalit ng kataksilan niya. Isang mundong tulad rin ng impyerno. O, baka mas malupit pa nga. Ang pinagkaiba, siya itong 'diyablo', pero siya ang paulit-ulit na pinarurusahan ng mga 'kaluluwa' sa paligid niya. Ang mga 'makasalanang kaluluwa' na ipinagtatanggol niya noon pa.

"Ella..." narinig niya ang mahinang pagtawag ni Joseph sa kanyang pangalan habang naglalakad. Bakas sa boses nito ang pag-aalala para sa kanya. Ikinagulat pa niya nang subukan nitong hagapin ang kanyang palad. Ngunit sa pagkakataong 'yon, hindi niya iyon tinanggap at iwinaksi niya ang kamay nito. Hindi niya nililingon si Joseph kahit na nakailang ulit ito sa pagtawag sa kanya habang hinahabol siya nito. Sa halip, yukong-yuko ang ulo habang mabilis niyang tinahak ang daanan palayo kay Joseph.

Sana.

Sana nga tama ang desisyon niya. Sana nga kahit sa kabila ng lahat ng iyon, tamang pinakinggan niya ang puso niya.

Inferno's HeiressWhere stories live. Discover now