10-Sumisibol na Damdamin

1.6K 53 2
                                    

"KAMUSTA naman ang first day ng baby David ko sa Elementary?" paglalambing ni Aling Milagros sa kanyang bunso habang sama-sama silang kumakain ng hapunan. "Hindi ka ba umiyak?"

"Siyempre hindi! Big boy na kaya ito!" pagmamalaki ni David na hinimas-himas pa ang 'kunwaring' muscle sa braso nito. Pumailanglang tuloy ang isang malakas na tawanan sa pagitan nila. Pero natigilan bigla si Ella. Nadako ang kanyang paningin sa hawak na tinidor ni David, kaya't dagliang bumalik sa kanyang ulirat ang mga malalagim na eksena sa impyerno. Habang tinutusok ni David ang hotdog, rumerehistro din sa kanyang isip ang imahe ng mga nagmamakaawang kaluluwa, habang tinutusok at pinaparusahan ng mga malulupit na Lakaw ng Impyerno.

Napansin na naman ni Joseph ang kanyang naging kilos kaya't hindi nito naiwasang muling magtanong. "Ayos ka lang ba talaga? Kanina ka pa ganyan? Masama ba ang pakiramdam mo?" Bahagyang pag-iling lang ang isinagot niya sa binata. Nagpatuloy na ito sa pagkain, ngunit nahuhuli niyang pasulyap-sulyap ito sa kanya ngunit binabawi rin naman agad. Nagpapantama tuloy madalas ang kanilang mga mata, ngunit hindi naman alam kung ano ba dapat ang sabihin nila sa isa't-isa.

"Naku, anak, baka pagod lang 'yan si Ella. Mahirap para sa kanya ang first day of classes, lalo pa't nawala ang alaala niya." Wika ni Aling Milagros sa anak. Nakita na lang niya ang pagbuntong hininga nito na nagpapahiwatig ng pagsang-ayon nito sa ina. Saka sa kanya naman muling bumaling si Aling Milagros. "Mabuti pa, pagkatapos mong kumain ay matulog ka na para makapagpahinga ka. Basta, huwag ka lang mahihiyang magsabi sa amin kung may kailangan ka, o kung may hindi maganda sa pakiramdam mo ha?"

"Opo." Napakakuripot na pagtugon ni Ella. Iyon na lang kasi ang pinakamabuti niyang sabihin, at gawin. Paano nga ba siya makakahingi ng tulong sa mga ito, kung ang bumabagabag sa kanya ay ang mismong inililihim niya sa mga ito?

NANANATILING balisa si Ella habang nakatingala siya sa mga nagkikislapang bituin sa kalangitang bahagyang natatakpan ng mga kaulapan. Bahagya siyang nakararamdam ng lamig dahil sa paghampas ng hangin sa suot niyang duster. Ngunit naiibsan naman iyon ng init na nagagawa ng paghimas niya sa katawan ng mabalahibong si Brownie. Tahimik itong nakakandong sa kanya na tila nasasarapan sa pagdampi ng kanyang mga palad rito.

Kung gaano kakomportable ang aso, ay siya namang pagkagulo ng kanyang isip. Naaalala pa rin kasi niya ang napakaraming bagay na nangyari sa kanya. Kahit na wala pa rin naman silang gaanong ginawa dahil first day of classes, napakabigat pa rin ng kanyang pakiramdam.

Unang-una, nahihirapan pa rin kasi siya sa bagong kapaligiran, at sa pakikibagay sa paraan ng pamumuhay ng mga kabataang mortal, lalo na sa tinatawag ng mga itong paaralan. Ngunit naiintindihan naman niya na kung gusto talaga niyang iwaksi at malimot ang pinagmulan, dapat niya iyong matutunan gaano man kahirap, para lang maging ganap ang kanyang pagpapalit-katauhan.

Isa pa, naiilang pa rin siya sa pakikihalubilo sa mga tao. Tila sinasaksak kasi siya sa mga mapanuring mga mata at bibig na nakapukol sa kanya, dahil lang sa katotohanang hindi kaaya-aya ang kanyang pisikal na anyo. Nasasaktan siya sa kahihiyang natatanggap niya. Pero ano nga ba ang magagawa niya? Pinili niyang takasan ang kanyang kapalaran, at ang naging kapalit niyon ay ang kanyang magandang mukha. Dapat lang na tanggapin niya iyon, kahit pa masaktan siya. Dahil iyon ang kabayaran ng pagsuway niya.

Ngunit ang higit na nakapagpapagulo sa kanyang damdamin, ay ang pag-aakala niyang nakita niya si Damarkus sa unibersidad. Dalawang beses na iyon. Daglian rin naman itong nawawala, at marahil nga'y namamalikmata lang talaga siya. Pero hindi pa rin niya maiwasang mangamba; paano kung hindi pala ilusyon lang ang lahat? Paano kung nasa mundo nga ng mga mortal si Damarkus, at nagmamatyag ito sa kanyang mga kilos? Paano kung kasama pala nito ang kanyang amang si Lucifero, at pinagtatangkaan na ng mga ito na ibalik siya sa impyerno para tuparin ang itinakda? Kilala niya ang kanyang ama; hindi malayong mangyari ang mga nasa isip niya. Dahil doo'y lalo tuloy tumindi ang kanyang pangangamba. Paano nga kaya kung dumating ang pagkakataon na matuklasan ng mga Ramirez ang lihim niya? At paano kung mapahamak ang mga ito nang dahil sa kanya?

Nabasag bigla ang kanyang paglalakbay-isip dahil sa boses na nagmula sa kanyang likuran. Nagulat siya; maging si Brownie ay nagising na at kumawala na mula sa kandungan ng dalaga. "Oh, Ella, nandito ka pa pala? Akala ko ba masama ang pakiramdam mo?" Si Joseph iyon. Lumapit ito sa kanya at naupo mismo sa tabi niya. Hindi niya tuloy mapigilang mailang dahil halos magkadikit na ang kanilang mga katawan. Mistulan silang nag-aagawan sa maliit na espasyo ng isa sa mga baitang ng hagdanan.

"Hindi kasi ako makatulog eh. Saka ok lang naman ako." Matipid niyang tugon. Hindi na nga niya nakuha pang sumulyap sa binata sa halip ay tinitigan na lang ang langit.

"Ang ganda ng mga bituin, 'no?" narinig niyang sambit nito. Nang pagsulyap niya rito'y nakita niyang nakatingala rin ito sa mga bituin sa langit katulad niya. Hindi niya akalain na ang katulad ni Joseph ay napapansin rin ang mga ganoong kasimpleng bagay.

"Oo." Sabay pagtango. Nangibabaw ang saglit na katahimikan sa pagitan nilang dalawa hanggang sa muling magsatinig si Joseph. "Ella, ok ka lang ba talaga?" Hindi na niya mabilang kung nakailang beses na sa kanyang naitanong iyon ng binata buhat nang mapadpad siya rito. Paulit-ulit lang ang mga iyon, dapat ay nagsasawa na siya. Ngunit pakiramdam niya'y may iba-ibang ipinapakahulugan si Joseph sa tuwing magtatanong ito ng ganoon sa kanya.

"Oo naman. Bakit?"

"Pansin kong matamlay ka...Kahit di mo sabihin sa'min, alam kong iniisip mo pa rin ang mga nangyari sa'yo. Naiintindihan kita...Hindi ko man alam kung paano nga ba ang pakiramdam ng mawalan ng alaala, pero sa sitwasyon mo, alam kong mahirap."

Dahil sa mga sinabi ng binata, nakaramdam tuloy siya ng kakaiba. Nararamdaman niya ang pag-aalala nito sa kanya. Kaya't di niya maiwasang maguilty. Nag-aalala ito ngunit niloloko naman niya ito. Kung alam lang sana talaga ng binata kung ano ba talaga ang totoong pinagdaraanan niya. Kung puwede nga lang sana talaga niyang aminin na ang katotohanan. Gusto niya...pero hindi niya kaya.  Nangingibabaw pa rin sa kanya ang takot. Takot dahil baka hindi niya kayanin ang susunod na mangyayari.

Bumalik siya sa katinuan nang mapapitlag siya dahil sa biglaang pagsigaw ni Joseph. "Ella! Tingnan mo 'yon oh! May shooting star!" wika nito sa kanya habang itinuro nito ang daliri papunta sa langit. Naramdaman pa nga niya ang init ng braso nito dahil sa biglaang paglapat niyon sa kanyang balikat para ipilig siya upang makita ang shooting star. Nakaakbay na ito nang bahagya sa kanya. Pakiramdam niya tuloy ay may kung anong kuryenteng dumaloy roon kaya't nawala ang atensyon niya sa sinasabi nitong 'shooting star'. Hindi na niya iyon naabutan pa.

"Tsk. Sayang naman oh. Hindi mo na tuloy nakita." Narinig niyang pagmamaktol ng binata. Hindi niya tuloy maiwasang mapatawa sa kanyang isip dahil parang bata ang naging asta ni Joseph. Sasabihin niya sanang ayos lang ngunit sa muling pagsulyap niya rito, nakapikit ito habang nakatingala pa rin sa langit. Dahil doon ay pinanood na lang niya ang ginagawa ni Joseph. Hihintayin na lang niya ang muling pagmulat ng binata saka niya itatanong kung bakit nito ginawa ang bagay na iyon.

Kahit na madilim, iyon ang kauna-unahang pagkakataong matititigan niya nang malapitan ang mukha ng binata. Ang kauna-unahang pagkakataong mapupuna niya ang angking kagwapuhan at kakisigan nito. Napakaamo nitong titigan habang nakapikit. Para lamang itong isang simpleng bata na ninanamnam ang simoy ng gabi. Dahil doo'y biglang umusbong ang isang kakaibang damdamin niya para rito. Biglang tumibok nang napakabilis ang puso niya nang hindi niya maipaliwanag. Bakit nga ba naging ganoon na lang bigla ang nararamdaman niya?

"Anong ginawa mo?" pagtatakang tanong ni Ella sa binata pagkamulat nito.

"Ah...nagwish." Napapatawa sa sariling sagot ni Joseph. "Sabi kasi nila, kapag nakakita ka raw ng shooting star at nagwish ka, matutupad ang kahit na anong kahilingan mo." Inosenteng sagot nito. "Turo 'yan sa amin ni Papa noon n'ong nabubuhay pa siya. Mula noon, naniwala na ako sa kanya na totoo ang mga gano'n. Isa pa nga sa turo niya eh...basta tumingala ka lang daw sa langit at pumikit ka, mawawala lahat ng dinadala mong problema. Kasi hihigupin daw ng langit kung anuman ang mga bagay na bumabagabag sa isip mo..." dahil sa mga sinabi ni Joseph, di maiwasang umakyat ng kuryosidad ni Ella. "Gusto mo bang subukan?"

Hindi na nga nag-alinlangan pa si Ella at ipinikit na niya ang kanyang mga mata. Tumingala muli siya sa langit. Dinama ang katahimikang namamayani sa kanilang paligid at ang lamig ng samyo ng hanging dumadampi sa kanya. Hanggang sa unti-unti nga niyang nararamdaman ang kapanatagan. Tila nalilimutan nga niyang bigla ang mga gumugulo sa kanyang isip. Tila nakahanap nga siya ng pansamantalang kanlungan sa piling ni Joseph nang gabing iyon.

Ngunit kasabay niyon, ay siya ring hudyat ng pagsibol ng isang damdaming magpapagulo naman sa puso niya.

Inferno's HeiressWhere stories live. Discover now