14-Plano

1.3K 39 5
                                    

HINDI pa rin alam ni Katrina kung paano siya magsisimulang magkwento sa mga kaibigan niyang sina Gretha at Nathalie. Tila napipi siya matapos ang kasindak-sindak na senaryong naranasan niya sa pagitan ni Ella. Bagama't malamig ang kinaroroonan nila dahil dinala siya ng mga kaibigan sa isang malapit na restaurant, ay bulto-bultong pawis pa rin ang mapupuna sa dalaga. Halata pa rin sa kanya ang pagkabalisa.

"Katrina, ano ba talagang nangyari, ha?" may pag-aalalang tanong sa kanya ni Nathalie. Hinawakan nito ang kanyang nanlalamig na mga palad. Sa halip na sagutin niya ang tanong ng mga ito'y nayakap na lamang niya si Nathalie. At doon siya impit na napahagulhol. Wala na siyang pakialam kung pagtingnan siya ng mga taong nandoon, basta't mabawasan lang ang tinik na iyon sa kanyang dibdib. Makalipas siguro ang halos isang oras, doon lamang nahimasmasan sa pag-iyak si Katrina. Sinamantala na iyon nina Gretha at Nathalie para magtanong sa dalaga.

"Ano ba talagang problema mo? Bakit parang takot na takot ka?" ulit na tanong naman ni Gretha. Lumapit pa nga ito na akala mo'y di maririnig ang sasabihin ni Katrina. "Si...si..." sisigok-sigok pang tugon ni Katrina. "Ella Ramirez."

"Ha? Ella Ramirez?" daglian pang nag-isip si Gretha para alalahanin kung sino nga ba ang nagmamay-ari sa pangalang iyon. Ngunit naunahan na ito ni Nathalie. "You mean—yung freak at weird na pinsan daw ni Joseph?" paninigurado nito. Isang tango ang isinagot ni Katrina para matukoy ito. "Oh? So? What's with that girl?"

"Isa siyang halimaw!" may halong takot na pagdedeklara ni Katrina. Gumagaralgal pa nga ang tinig niya dahil sa naaalala pa rin niya ang nangyari. Ngunit sa halip na magulat ang mga kaibigan niya'y napangisi pa ang mga ito sa sinabi niya. Na para bang may nakakatawa sa sinabi niya.

"Well, girl, with that kind of face, e, di nga malabong mukha siyang hal—

"Totoo ang sinasabi ko! Halimaw ang babaeng iyon! Kitang-kita ko!" may diing pagkakabigkas ni Katrina. Mahina iyon ngunit tama lang para mapahinto at maagaw niya ang atensyon ng dalawang kaibigan. Napamaang na lamang ang dalawa matapos maintindihan nang lubusan ang sinasabi niya. Natigilan ang mga ito na parang hindi pa makapaniwala sa mga sinabi niya. Ipinagpatuloy na niya ang pagkukwento.

"Kanina, I confronted her inside the CR. Galit na galit ako sa kanya, up to the point na nasampal at nasakal ko na siya. Noong una, hindi siya lumalaban. Tapos...Tapos..." dagliang tumigil sa pagsasalita si Katrina para sariwain sa kanyang gunita ang mga naganap. "Tapos bigla na lang nagliyab ang peklat at mata niya! Nag-aapoy!...Tapos bigla na lang akong tumalsik sa lakas ng pagkakatulak niya..." Muli na namang may namuong luha sa mga mata ni Katrina. "Hindi ko na naramdaman 'yong sakit dahil sa sobrang takot. The way she stares at me...gusto niya akong patayin...Isa siyang demonyo...isa siyang halimaw!"

Buti nga't nahagod nina Nathalie at Gretha ang likod niya kaya kahit papaano'y napigilan ang muli niyang pag-iyak. "Tulungan n'yo akong alamin kung ano ang sikreto ng babaeng 'yon..." Kahit na mababanaag ang takot sa boses ni Katrina, ay pilit niyang pinatapang ang sarili.

"Hindi ako titigil hangga't di ko natutuklasan ang tunay niyang pagkatao."

"ANG kapangyarihang iyon...Hindi ako maaaring magkamali! Kay Devila nanggaling ang malakas na enerhiyang 'yon!" salaysay ni Lucifero na nagtatago sa imahen ng isang matandang may malapad na salamin. "Sinasabi ko na nga ba't nandito siya..." may malademonyong ngiting sumilay sa mga labi ng matanda.

Gayunpaman, ay nananatiling walang imik ang kasama niyang estudyante sa opisina ng mga oras na iyon. Malalim ang iniisip nitong tila ayaw paiistorbo. Kaya't nakaramdam ng pagkainis si Lucifero. "Nakikinig ka ba sa mga sinasabi ko, ha, Damarkus?" saka lamang bumalik sa reyalidad ang kalihim nang basagin ni Lucifero ang iniisip nito. Bumaling ito sa kanya.

"Ah...patawarin n'yo po ako, Panginoon. Nasasabik lamang din po akong isipin na magkakatotoo na ang mga tinuran ninyo." Paliwanag ng kalihim. Ngunit mababanaag pa rin sa binatang kalihim ang kakaiba nitong ikinikilos.

"Kaya bilisan mo ang pagkilos, Damarkus! Bilisan mo ang paghahanap sa kanya. Sawa na ako sa walang kwentang katawan na ito." Nangingibabaw pa rin ang nakakatakot na tinig ni Lucifero na humahalo sa natural na tinig ng matandang gurong sinapian nito.

Napatitig si Lucifero sa hawak niyang botelya. May laman itong likido na kukulo-kulo sa loob niyon. Ang likidong matatagpuan rin sa opisina niya noon sa impyerno. "Nalalapit na ang huling yugto ng asul na araw kaya't kailangan na nating magmadali. Hindi na niya maaari pang matakasan ang kapalaran niya sa pagkakataong ito."

Inferno's HeiressWhere stories live. Discover now