38-Taguan

676 18 0
                                    

NAGTUNGO si Damarkus sa aklatan kung saan ring dating matatagpuan ang Aklat ng Katuparan. Ngunit inabot na siya roon ng ilang oras ngunit hindi pa rin niya nakikita ang mga nawawalang pahina ng Aklat. Nasuyod na nga niya ang lahat ng bakal na patungan at binasa ang mga sulating maaaring makapagsabi sa Asul na Araw, o sa prinsesa, ngunit bigo rin siya. Wala ni isa man doon ang tumalakay sa nakatakda.

Kaya't nagtaka siya. Paano nangyari 'yon?

Lahat ng alam niya tungkol sa Asul na Araw ay ayon lamang sa Aklat ng Katuparan-o sa mismong mga salitang sinabi ni Lucifero. Tanging ang mga nawawalang pahina lamang ang susi niya para matuklasan kung bakit ganoon na lang ang paghahangad ni Lucifero na mabawi si Devila. Alam niyang hindi pa nawawala ang mga pahinang 'yon. Dahil kung sakali mang sunugin iyon ni Lucifero ay hindi ito magtatagumpay. Dahil hindi nasusunog ang aklat ng propesiya. Wala siyang alam na engkantasyong maaaring pumatay sa sarili nitong kapangyarihan.

Kaya malakas ang kutob niyang nasa impyerno pa rin 'yon. Nakatago. Ngunit ano nga ba ang dahilan ni Lucifero para itago sa kanya ang mga pahinang iyon. Anong nililihim nito?

Naihilamos na lang niya ang sariling mga palad sa kanyang mukha dahil sa pagkadismaya. Para siyang estranghero sa sarili niyang mundo-sa sarili niyang opisinahan. Namalagi siya sa aklatan ng mahigit tatlong-daang taon ngunit wala siyang mahagilap na anumang bagay na makakatulong sa kanya. Wala siyang alam. Wala siyang maalala.

Pero hindi naman siya puwedeng basta na lang sumuko. Gagawin niya ang lahat para kay Ella.

Hanggang sa gumuhit sa kanyang alaala ang mismong sagot sa kanyang mga katanungan. Ang maaaring pagtaguan ni Lucifero ng mga lihim nito. Ang pinakaligtas na lugar na maaaring pagtaguan ni Lucifero ng mga pahina. Ang nagtataglay ng malakas na kapangyarihang kayang kumitil sa buhay ng sinuman, maging ng mga diyablo, ngunit hindi kailanman kayang wasakin ang aklat ng Katuparan. Ang pinakaiingatang bahagi ni Lucifero sa opisinahan nito.

Ang Bukal.

Inferno's HeiressTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon