40-Pagsugal sa Kamatayan

671 18 0
                                    

SA TANTIYA ni Damarkus ay nasa sampung armadong Lakaw ang nakabantay sa silid-opisinahan ni Lucifero. Kahit na gamitin niya ang kapangyarihan, o ang mismong angking galing sa pakikipagtunggali, tiyak na mahihirapan pa rin siyang pumasok. Magsasayang lang din siya ng lakas. Kung sakali mang magpalusot siya sa tunay na hangarin sa pagpasok roon ay tiyak na maghihinala ang mga ito at baka hindi rin niya maisagawa ang pakay. Ang kailangan niya ay lumikha ng dibersyon para sa mga ito, nang tuluyan siyang makapasok nang walang kahirap-hirap. At nagtagumpay naman siya.

Gamit ang kanyang pinakakabisadong engkantasyon, lumikha siya ng isang higanteng diyablo saka inutusang sugurin ang mga Lakaw. Ang engkantasyong pinakapaborito niya-ang engkantasyong kay Dayab niya pa mismo natutunan. At naging epektibo naman iyon at napaalis niya ang mga Lakaw sa dambuhalang pintuan. Nang makahanap ng tamang tiyempo ay maingat siyang pumasok sa silid.

Bumungad kay Damarkus ang kaguluhan ng silid. Matagal na iyong ginawa ni Lucifero sa silid nito, dahil sa matinding prustrasyon kay Devila at sa paghahanap rito. Hindi niya na iyon pinansin at dumiretso na agad sa harap ng bukal.

Nasilayan niya roon ang kumukulong-tubig na kulay-dugo. Sa sobrang init niyon ay tumatalsik-talsik na iyon sa paligid ng bukal. Napansin niyang malaki na talaga ang ipinagbago ng kulay nito. Ang kulay-dugo ay nagiging mapusyaw na asul na lamang-senyales na sobrang lapit na talaga ng Asul na Araw.

Walang ibang pagpipilian si Damarkus kundi gawin iyon. Imposibleng maisalin niyang lahat ang tubig sa mga botelya gamit ang kanyang engkantasyon, dahil wala na siyang oras, at hindi naman talaga mauubos ang tubig sa bukal.

Wala siyang mapagpipilian-

Kundi ang lumangoy sa kailaliman ng Bukal.

Kabado man ay sinubukang ilublob ni Damarkus ang kanyang kamay sa tubig. Ngunit hindi pa man niya lubusang nailubog nang matagal ang kanang kamay ay binawi na niya agad ito. Napahiyaw siya sa naghuhumindig na sakit dahil nalapnos nang matindi ang kanyang kamay. Hindi na nga niya halos maramdaman ang kamay na 'yon.

Paano na?

Imposibleng makuha niya ang mga pahina roon. At mas lalong imposibleng marating niya ang kailaliman niyon. Lalo na't wala rin naman siyang kasiguraduhan kung doon nga itinago ni Lucifero ang mga pahina. Bago pa man niya marating ang pinakailalim ng bukal ay tiyak na maglalaho na siya sa kawalan.

Imposible. Imposibleng magtagumpay siya.

Maya-maya'y narinig niya ang mabibilis at malalakas na yabag patungo sa silid at ang nagngangalit na boses ng mga Lakaw. Tiyak na nariyan na ang mga kampon ni Dayab at natuklasan na nito ang mga kataksilan niya.

Napapikit na lamang siya.

'Bahala na!'

Bago pa man siya tuluyang maabutan sa loob ng silid ng mga Lakaw at mapaslang ni Dayab sa mismong mga kamay ng kapatid, mas pinili niya ang kapalarang 'yon.

Tumalon na siya sa Bukal.

Inferno's HeiressWhere stories live. Discover now