20-Realisasyon

862 21 10
                                    

"HUWAG mo nang sisihin pa ang kapatid mo. Nangyari na ang mga nangyari. Wala na tayong magagawa pa. Pinagsabihan ko na si David. Mag-ingat na lang tayo sa susunod." Iyon ang mga payong ibinigay ni Aling Milagros kay Joseph, matapos nitong higupin ang mainit-init pang kape sa kanyang tasa. Ngunit sa tagpong iyon, mas mainit pa yata ang ulo ni Joseph kaysa sa kape. Malalim na ang gabi ngunit buhay na buhay pa ang mag-ina.

"Pero, Mama! Si Katrina po 'yon. Alam n'yo naman po kung ano ang kaya niyang gawin. Lalo na niyang pag-iinitan si Ella, ngayong alam niyang hindi talaga kami magpinsan. Paano kung ipagkalat pa niya? Paano kung madamay pa kayo rito?" kunot-noong sambit ng binata sa ina. "Hindi ko maintindihan kung bakit ipinagpipilitan pa niya ang sarili niya sa akin,e, nilinaw ko na sa kanya noon pa na tapos na kami."

Napabuntong-hininga si Aling Milagros saka tumitig sa anak. "Alam mo, anak, bakit kaya hindi mo na lang aminin ang totoo? Para hindi mo na rin pinahihirapan pa 'yang sarili mo," suhestyon ng matanda.

"'Di ba nga po kaya natin itinatago ang totoo sa mga tao ay para protektahan si Ella habang 'di pa bumabalik ang alaala niya. Tapos ngayon, aaminin na lang natin bigla? Paano kung mapahamak siya? Minsan, hindi ko po talaga kayo maintindihan, Mama," pagrereklamo ni Joseph. Mahina lamang ang tinig na iyon ni Joseph upang maiwasang aksidenteng magising ang kasama nila sa bahay-lalo na si Ella.

Napangisi si Aling Milagros. "Hindi 'yon ang 'totoo' na tinutukoy ko. Ang sinasabi ko, ito," sabay nilapat ni Aling Milagros ang kanyang kanang palad sa kanyang kaliwang dibdib. Napakunot na lamang ng noo si Joseph dahil sa biglaang ikinilos ng ina. "Aminin mo na 'yong nararamdaman mo para kay Ella. Sabihin mo na ang totoo, para tigilan ka na niyang si Katrina."

"Mama!" bulalas ni Joseph sa ina. "Ano bang pinagsasasabi n'yo. Itigil n'yo na nga 'yan! 'Pag nagising si Ella, nakakahiya."

Sa halip na tumigil ay lalo pang ginanahan sa panunudyo si Aling Milagros. "Itatanggi mo pa ba, anak, e halatang-halata ka na. Kahit na hindi mo sabihin, e, nakikita naman sa kilos mo. Hindi ako manhid, anak. Hindi manhid si Katrina. At lalong hindi manhid si Ella."

"Mama, ano ba?" Hindi alam ni Joseph kung ano bang dapat na isagot sa ina para tigilan na siya nito sa mga panggigisa nito sa sarili niyang mantika. Tila dumikit na nga ang kanyang puwet sa kinauupuan dahil sa ginagawa ni Aling Milagros.

"Kung nakikita mo lang, anak, namumula ka na," dagdag pa ng matanda na noo'y paubos na ang hinihigop na kape samantalang ang kay Joseph ay wala pang anumang bawas. Hindi tuloy maiwasan ni Joseph na isisi sa epekto ng kape kung bakit nagkakaganoon ang kanyang ina sa tagpong 'yon. Oo, naiinis si Joseph kapag inaasar siya ng ina pagdating sa mga ganoong bagay. 'Awkward' kasi ang pakiramdam niya. Pero sa kabilang banda, tila ginugusto ng kanyang isip na iniuugnay siya ng ina sa dalaga.

"Mama, kung hindi ka makikipag-usap nang maayos, matutulog na ako," pag-iwas ni Joseph. Ngunit ang totoo'y kanina pa talaga nag-iinit ang kanyang dalawang pisngi dahil sa ginagawa ng ina. Humahanap lamang talaga siya ng paraan para makalusot. Ngunit ikinabigla niya ang paghagilap ni Aling Milagros sa kanyang kanang kamay. Pinisil iyon ng matanda at tumitig sa kanya. Sa pagkakataong iyon, seryoso na ito.

"Anak, napakalaki ng pasasalamat ko sa Diyos dahil dumating si Ella sa buhay natin-sa buhay mo. Simula nang dumating siya, 'Nagbalik' ka na rin, anak. Kakaibang sigla ang naidulot niya sa iyo. Hindi mo man aminin sa akin, pero alam kong mahal mo na rin siya. At nararamdaman kong may pagtingin din sa'yo si Ella. Hindi natin lubusang alam ang buong pagkatao niya, pero naniniwala akong mabuti siya. At sapat na 'yong nararamdaman mo para patunayan 'yon. Anak...hindi natin alam kung hanggang kailan mananatili si Ella dito. Hindi natin maiitago ang totoo, habang-buhay. Hindi naman sa pinagmamadali kita, pero, magpakatotoo ka na sa sarili mo habang may panahon pa. Ayaw kong dumating 'yong puntong magsisisi ka dahil hindi mo nagawa 'yong dapat mong gawin dahil natatakot ka. Kung talagang mahal mo si Ella, ipaglaban mo siya. Ipaglaban mo kung anuman ang nararamdaman n'yo para sa isa't -isa."

Kung kanina'y nag-iinit ang mga pisngi ni Joseph, ngayon naman ay biglang nanlamig ang kanyang palad, kahit pa hawak iyon ng ina. Nakailang lunok siya ng sariling laway habang nakatitig kay Aling Milagros at nakikinig sa mga pangaral nito. Nasapol siya nito-tumagos ang bawat himaymay ng salita ng kanyang ina patungo sa kanyang puso. At sa totoo lang, hindi niya alam kung paano sasagot. Hindi na niya nagawang sumagot pa.

Lingid sa kaalaman ng mag-ina ay lihim rin palang nakikinig si Ella na noo'y nakakubli sa likuran ng pintuan. Nakailang-balikwas si Ella sa higaan ngunit hindi siya dalawin ng antok. Napakaraming bumabagabag sa isip niya, at isa na roon ang nararamdaman niya para sa binata. Nagpasya siyang bumangon, ngunit hindi niya inaasahang maaabutan niya rin doon ang mag-ina. Ngunit hindi siya nagkaroon ng lakas ng loob na lumapit, sa halip ay nagtago na lamang siya roon. Gayunman, kinig na kinig ni Ella ang mga katagang binitiwan ni Aling Milagros. At tulad ni Joseph, tinamaan rin siya nito. Sa mga sinabi ni Aling Milagros, ay lalo siyang napaisip kung ano na nga ba ang namamagitan sa kanila. Dahil sa mga iyon, lalong gumulo ang kanyang isip. Ano na nga ba ang dapat niyang gawin?

Inferno's HeiressWhere stories live. Discover now