43-Repleksyon

591 21 2
                                    

"YOU'RE welcome!" sarkastikong turan ni Gretha matapos basta na lamang umibis ng kanyang sasakyan si Katrina matapos niya itong ihatid sa tapat ng dormitoryo ng St. John. Hindi man lang ito nagpasalamat sa kanya o nagsalita man lang. Ni hindi nga man lamang siya nito nilingon. Inabot na nga sila ng gabi sa daan dahil sa pagtambay nila sa mall. Ngunit nang nandoon naman sila ay hindi naman siya nito kinausap.

Pansin niyang may kakaiba kay Katrina dahil napakatahimik nito. Alam niyang hindi pumayag si Aling Milagros sa 'pakana' nito, kaya normal lamang iyon na maging tahimik si Katrina. Pero alam niyang hindi naman iyon ang 'normal' na Katrina. Dahil tiyak niya na maglalabas ito ng sama ng loob at kung ano-ano pang 'plano' para makuha ito si Joseph. Pero sa pagkakataong 'yon, hindi man lamang ito nag-share sa kanya ng 'game plan'. Kaya nagtaka siya.

Gayunpaman, tiniis na lamang niya ang 'sapak' ng kaibigan kahit na nagmukha na siyang tanga kasusunod rito. Dahil siya na lang ang natitirang magtiyagang umintindi kay Katrina. Dahil si Nathalie, sumuko na.

"You're so welcome!"

Inulit muli ni Gretha ang sarkastikong pahayag at halos isigaw na niya iyon para pansinin na siya ng dalaga ngunit wala talaga 'yong epekto. Napabuntong-hinga na lamang si Gretha habang inihahatid ng tingin si Katrina papasok ng dormitoryo. Sinigurado niya munang nakapasok na ito bago siya tuluyang umalis.

Sa totoo lang, kanina pa gustong tarayan ni Katrina si Gretha sa taglay na kagagahan nito pero pakiramdam niya ay wala siyang gana para gawin 'yon. Lalo na't napakaraming buwisit na bagay ang tumatakbo sa isip niya.

Sa paglalakad nag niya sa hallway papunta sa kanyang unit ay nakasalubong niya si Nathalie at ang mga kaibigan nito. Saglit na nagtama ang paningin nila ngunit hindi naman siya nito kinausap. Pero hindi naman niya nagawang irapan ito o pagtaasan man lang ng kilay. Wala siya sa ganang makipagtarayan.

Sa pagbukas ni Katrina ng ilaw sa kanyang unit ay tumambad ang mga nagkalat na papel sa sahig, condoms, unan, mga bote ng 'gamot', mga abo ng sigarilyo at sigarilyong nagkabali-bali na, bote ng alak, at kung ano-ano pang bagay na hindi mo inaasahang makikita sa isang dormitoryo, lalo na sa kuwarto ng isang babae. Sinipa pa nga niya ang isang bote na nakaharang sa daraanan niya kaya sumuot pa iyon sa ilalim ng kanyang tulugan.

Dumiretso siya sa gilid ng kama at doon napasalampak. Hindi rin niya maipaliwanag kung anong nangyayari sa kanya. Simula nang manggaling siya kina Aling Milagros ay kakaiba at hindi na niya maipaliwanag ang nararamdaman.

Nakatodo ang lamig ng air conditioning unit sa loob ng kanyang kuwarto ngunit sobrang init ng nararamdaman niya. Idinampi niya ang kanyang kamay sa leeg ngunit hindi naman pala siya nilalagnat, o lalagnatin. Hindi rin naman masama ang pakiramdam niya ngunit pakiramdam niya'y may kung anong mayroon sa kanyang katawan na sobrang init na kanina pa gustong sumabog. Pumipintig ang kanyang 'ibaba' pero alam niyang hindi naman siya 'magkakaroon' dahil kadarating lamang niyon.

Nanginginig niyang hinagilap ang bote ng tubig sa side table. Halos malunod na nga siya sa walang tigil na paglagok ng tubig. Sa pag-asang mapapawi niyon ang kanyang nararamdaman. Ngunit walang nangyari. Pakiramdam niya'y lalong nag-init ang kanyang buong sistema. Pinagpawisan siya nang bulto-bulto.

Dahil hindi na niya malaman ang nararamdaman o ang dapat gawin, sumigaw siya nang malakas na halos mapatid na ang litid ng kanyang lalamunan. Hindi niya nga alam kung may boses bang lumabas roon dahil pakiramdam niya'y wala naman siyang naririnig. Basta't ang alam niya sa sarili ay sumisigaw talaga siya.

Sobrang tagal niyang sumigaw hanggang sa pakiramdam niya'y mauubusan na siya ng hininga. Napahawak pa nga siya sa kanyang dibdib para makabawi ng hangin. Nasa ganoong ayos siya nang nakarinig siya ng mga malalakas na pagkatok sa pintuan mula sa labas. Matagal din 'yon pero hindi niya pinagbuksan kaya kusa na ring umalis.

Dahil sa ginawa niyang pagsigaw, kahit papaano'y kumalma siya. Nang makabalik siya sa katinuan ay pinasya niyang magtungo sa banyo para magshower. Hindi na siya nagpatumpik-tumpik pa at mabilis na hinubas ang lahat ng kanyang saplot. Tumambad sa malaking salamin ang repleksyon ng kanyang magandang hubog na katawan. Naituon niya ang paningin sa leeg, sa parte kung saan akala niya ay nakagat siya ng isang ahas. Pinisil niya iyon ng bahagya upang malaman kung nagkaroon ba 'yon ng pasa. Ngunit 'di man lamang siya nasaktan nang gawin 'yon.

'Guni-guni ko nga lang siguro 'yon.'

Iwinaksi na lamang niya ang isiping 'yon at pinihit at shower knob. Napakislot pa nga siya sa unang pagtama ng malamig na tubig sa kanyang balat. Tumingala siya at itinapat ang mukha sa naglalagaslas na tubig habang nakapikit. Sa kadilimang 'yon, umalingawngaw na naman sa kanyang isip ang mga boses:

...Hindi ako baliw na papayag na sirain ng katulad mo ang buhay ng anak ko!

... Gumising ka na sa kabaliwan mo!

... Hindi ka niya mahal!

...Hindi na siya babalik pa sa'yo!

...Tapos na tayo! At kahit ano pang gawin mo, hinding-hindi na ako babalik pa sa'yo!

...Hindi ka niya mahal!

...Hindi na kita mahal!

...Gumising ka na sa kabaliwan mo!

...Hindi na kita mahal

...Hindi na kita mahal

...Hindi na kita mahal!

"Aaahhh!"

Sumabog na naman ang emosyon ni Katrina at nagsisigaw na naman siya sa loob ng CR. Dahil sa naghuhumindig na galit ay nadamay pa ang mga sabon, shampoo, at iba pang toiletries na nananahimik lamang doon at maayos na nakahanay. Bigla-bigla na lang 'yong nagliparan sa kung saang sulok ng banyo. Nang mapagod ay napasalampak na lamang siya sa floor tiles habang nagpapakalunod pa rin sa tumatamang tubig sa kanya.

Bagama't hindi napapansin dahil sa umaagos na tubig sa kanyang mukha, bumalong ang napakarami niyang luha. Tahimik ang paligid at ang tanging maririnig ay ang ingay na nalilikha ng rumaragasang tubig. Para siyang isang basang sisiw doon ngunit hinayaan na lamang niya ang sarili roon.

Hanggang sa maramdaman niyang parang tumataas ang temperatura ng tubig na inilalabas ng shower. Noong una'y hindi niya pinansin, ngunit nang nagsimula na siyang makaramdam ng pananakit ng balat ay tumayo na siya. Tiningnan niya ang setting ng shower heater pero nasa normal na temperatura naman 'yon. Nagtaka siya, pero hindi na lang niya pinansin at pinatay na lang ang shower.

Hinigit niya ang tuwalyang nakasampay sa gilid at nagsimulang tuyuin ang sarili. Lumapit at humarap muli siya sa salamin upang tingnan ang sarili ngunit nanlabo ito dahil sa mga talsik ng tubig at sa hamog na nagawa ng pag-init ng temperatura. Kaya't pinunas niya ang salamin sa pamamagitan ng palad upang makita ang kanyang repleksyon.

Ngunit sa paglinaw ng salamin, tumambad sa kanya ang dalawang mukha!

Halos takasan ng hininga si Katrina sa nasaksihan sa salamin. Dahil sa matinding pagkagulat ay napaatras siya. Dahil madulas ang sahig ay napasalampak siya at matinding sakit ang naidulot niyon sa kanyang katawan. Gusto niyang humiyaw sa sakit. Gusto niyang tumili dahil sa takot.

Pero hindi niya magawa! Parang may malaking tinik sa kanyang lalamunan. Hindi siya makagalaw at halos sasabog na ang dibdib niya sa kaba. Ni hindi nga niya nagawang lumingon sa kanyang likuran para tingnan kung saan nanggagaling ang repleksyon, o kung repleksyon nga ba iyon. Ni hindi nga niya magawang kumisap man lamang para matukoy kung namamalikmata lang siya. Nakatitig lang siya sa repleksyon at hindi nagbabago ang imahe!

Tumambad kay Katrina ang nanlilisik nitong mga mata habang nakatitig sa kanya. Nakaarko ang napakalapad nitong ngiting mapang-uyam. Namumula ang balat nito, at mayroon itong malaking sungay!

At halos mapaihi na sa takot si Katrina sa kasunod na nangyari. Dahil utay-utay na lumabas ang repleksyon mula sa salamin. Tumambad sa kanya ang kabuuan nito. Dahan-dahan itong lumapit sa kanya habang humahalakhak, dahilan para halos panawan na siya ng katinuan. Inilapit nito sa kanyang tenga ang nagbabaga nitong labi na siyang tuluyang lumamon sa kanyang pagkatao.

"Ikaw...ikaw ang kailangan ko."

Inferno's HeiressWhere stories live. Discover now