48-Huling Sayaw

499 18 4
                                    

"HUWAG mo silang pansinin. Para sa akin, ikaw ang pinakamagandang babae ngayong gabi," wika ni Joseph kay Ella nang mapansin nitong naiilang na naman siya sa paligid. Nasa dance floor sila dahil inanyaya siya ni Joseph na sumayaw. Noong una'y nahihiya pa siya dahil sa mga matang pakiramdam niya ay kanina pa nagmamatyag sa kanilang mga kilos, pero hindi na siya nakahindi pa nang higitin na ng binata ang kanyang mga kamay patungo sa lugar-sayawan.

Isang malagkit na titig ang ipinukol sa kanya ni Joseph at hindi naaalis ang mga nito sa kanya. Seryoso ang ekspresyon niyon ngunit may nakatagong ningning sa mga mata nito. Napakalapit na ng mukha nila sa isa't isa at naaamoy na niya ang mainit at mabangong hininga ng binata.

Iyon ang kauna-unahang pagkakataon na nagkalapit ang mga katawan nila nang ganoon katagal. Ang kauna-unahang pagkakataong matitigan at 'masulit' niya ang angking kaguwapuhan at kakisigan ng binata.

Dahil doo'y hindi na niya naitago pa ang nararamdaman. Pakiramdam niya'y hindi lamang ang kanyang pisngi ang nag-iinit kundi ang kanyang buong katawan. At lalong bumilis ang pagtibok ng puso niya nang idikit ni Joseph ang noo nito sa noo niya. Halos takasan na siya ng hangin ng mga sandaling 'yon, kahit pa halos lumipat na sa kanya ang mainit at mabangong hangin na ibinubuga ni Joseph, patungo sa ilong niya.

Napakalapit na ng mga labi nila sa isa't isa!

Napapikit na lang si Ella dahil sa marubdob na damdaming naidudulot sa kanya ni Joseph. Pakiramdam niya'y umiikot na ang paningin niya at nagkahalo-halo na ang iba't ibang kulay ng liwanag na pumapailanglang sa paligid.

Nanghina ang kanyang mga tuhod. Kung hindi nga lamang nayayakap ni Joseph ang kanyang baywang ay tiyak na natumba na siya. Nabibingi na siya. Hindi sa tugtog kundi sa malakas na pagkabog ng dibdib niya na nilalamon na ang kanyang buong sistema. Awtomatiko na ngang naisalikop niya ang mga braso sa batok ng binata.

Ikiniskis ni Joseph ang noo nito sa noo niya. Dahan-dahan. Paulit-ulit. Habang unti-unting bumibilis. Kasabay ng pag-indayog ng kanilang mga paa sa malambing na musika.

Halos mahimatay na nga siya sa ginagawa ni Joseph na 'pagpapahirap' sa kanya. Nagsusumigaw na ang puso niya ng mga sandaling 'yon, na ipinapakita ng mga marahas at sunod-sunod niyang paghigop ng hangin. Nagmamakaawa na gawin na Joseph ang balak nito at huwag nang magpatumpik-tumpik pa!

Ngunit halos magreklamo ang lahat ng kalamnan sa buong katawan ni Ella nang sa halip na halikan siya ng tuluyan ng binata, idinikit lamang nito ang mukha sa may balikat niya! Sa halip na halikan ay niyapos lamang siya nito nang mahigpit! Naimulat niya tuloy bigla ang mga mata dahil sa ginawa ni Joseph.

'Bakit? Bakit hindi mo itinuloy!'

'Nadismaya' man, lihim pa ring napangiti ang puso ni Ella. Naiintindihan siya ni Joseph. Naiintindihan nito ang mga pinagdadaanan niya. Pinatunayan lamang ni Joseph kung gaano siya nito iginagalang. Kung gaano siya kahalaga para sa binata. Pinatunayan nitong hindi ito nagmamadali para sa mga bagay-bagay sa pagitan nilang dalawa. Pinatunayan nitong handang maghintay ang binata, para sa 'tamang panahon' nila.

Sa panahon kung kailan tunay na siyang malaya.

Idinikit na lamang din ni Ella ang kanyang ulo sa matigas na dibdib ni Joseph at muling pumikit. Sa sandaling 'yon, sa iisang musika na lamang sumasaliw ang kanilang mga katawan-sa musika ng kanilang mga puso.

Sa tagpong iyon, isa lamang ang hiling ni Ella: wala na sanang humadlang pa sa musikang 'yon. At kung sakali mang mayroon, sana'y malampasin nila, na sila pa rin ang magkasama.

'Wag na sanang matapos pa ang langit na nararamdaman niya.

Inferno's HeiressWhere stories live. Discover now