12-Regalo

1.2K 37 2
                                    

NAABUTAN ni Ella si Aling Milagros sa kwarto nito habang nag-aayos ito ng lesson plan at iba pang gamit nito sa pagtuturo sa elementarya. Nandoon rin ang anak nitong si David na nagpapaleksyon sa tabi nito. Katatapos lamang niyang magligpit sa kusina nang gabing iyon dahil siya na ang nagpresenta para maglinis. Ipinatawag kasi siya nito. Si Joseph naman ay wala roon dahil nasa plaza ito para sa paglalaro ng basketball.

"Bakit po?" bungad niya rito. Nang mapansin ng matanda ang presensya niya ay nakita niya ang pagsenyas nito sa anak na si David na lumabas muna sandali. Naintindihan naman iyon ng bata at agad na tumalima.

"Upo ka muna dito, Ineng." Ngumiti ito sa kanya saka inanyayahan siyang maupo sa tabi ng kama. "May ibibigay kasi akong regalo sa'yo..." Ikinagulat ni Ella ang sinabi nito. Regalo? Ano naman ang dahilan at reregaluhan siya nito?

"Para saan po?"

Hindi na nito sinagot pa ang kanyang katanungan at iniabot na agad nito sa kanya ang isang maliit na kahon. "Sige, buksan mo na." Noong una'y nag-aalangan pa siyang buksan ito, pero sinunod na lang din niya ang kagustuhan ng ginang. Lalo tuloy siyang nagtaka matapos tumambad sa kanya ang laman niyon. Kung hindi siya nagkakamali, base sa nakikita at naririnig niya sa mga kaklase niya sa paaralan, cellphone ang tawag roon. Noong una nga'y nabigla pa siya nang una siyang makakita nang ganoon, at inakala niyang may natatagong majika sa likod niyon. Saka niya natutuhang isang kamangha-manghang produkto lamang pala iyon ng katalinuhan ng mga mortal.

"Pero... para saan po ito?" bulalas niya. Sa totoo lang, hindi pa siya marunong gumamit niyon. Isa pa, wala rin naman siyang mahalagang paggagamitan niyon. Sa isip-isip niya'y hindi naman niya iyon kailangan.

Nginitian siyang bigla ni Aling Milagros. "Ineng, regalo ko 'yan sa'yo...Ay! Hindi pala! Regalo pala 'yan ni Joseph sa'yo. Para raw may magamit ka."

Nabigla siya nang malaman kung kanino talaga nanggaling iyon. Nakaramdam tuloy siya ng hiya sa binata dahil alam niyang pera mismo nito ang ibinili nito ng teleponong iyon. Isa pa, nangibabaw rin sa kanya ang pagtataka. Bakit naman siya nakuhang regaluhan ng binata ng ganoon?

"Naku, Aling Milagros. Sobra-sobra na po ito. Hindi ko po ito kayang tanggapin." Ibinalik niya rito ang kahon pero inismiran siya ni Aling Milagros.

"Ella, ano ka ba naman? Huwag ka nang mahiya! Sige ka, magtatampo sa'yo ang anak ko. Pinilit pa nga niya akong ibili daw kita niyan eh. Ibinigay pa nga niya ang ilang parte ng ipon niya kaya siguradong magtatampo 'yon kapag di mo yan tinanggap. Mahalaga 'yan para sa'yo. Para daw makapag-usap kayo ni Joseph kahit malayo kayo sa isa't-isa. Para alam niya kung nasaan ka na."

Tila napatda ang dila ni Ella dahil sa narinig. Hindi niya mahagilap ang tamang salitang isasagot sa matanda. Napatulala na lang siya rito. Hindi niya alam kung paano ba magsisimulang magpasalamat. Higit ay kay Joseph. Kahit naman hindi niya hinihingi at kinakailangan, ay kusa nitong ibinibigay. Pero bakit? Sabagay, hindi naman kailangang hanapan mo ng dahilan ang lahat ng bagay.

Itinuro ni Aling Milagros sa kanya ang paggamit nito. Dahil sa likas niyang katalinuhan bilang isang prinsesa, mabilis naman niya itong natutunan. Ipinaliwanag rin nito sa kanya ang mga dapat gawin para mapangalagaan ang kanyang telepono.

"Maraming salamat po talaga sa lahat-lahat. Sobra-sobra na po itong naitulong n'yo sa akin. Napakalaki na po ng utang na loob ko sa inyo. Maraming salamat po talaga." Dahil sa kasiyahan ay nayakap niya si Aling Milagros.

"Ikaw talagang bata ka!" hinaplos-haplos nito ang kanyang buhok. "Hindi mo na kailangang ulit-ulitin 'yang pagpapasalamat na 'yan. Hindi ka na iba sa akin...Para na rin kitang tunay na anak."

Inferno's HeiressWhere stories live. Discover now