57-Langit

680 13 2
                                    

ISANG nakasusulong liwanag ang tumama sa mukha ni Ella. Ang taglay na init niyon ang nagpabalik sa kanyang kamalayan. Dahan-dahan niyang ibinukas ang mga mata. Malabo pa iyon sa una, hanggang sa unti-unting luminaw. At iisang bagay lamang ang nakikita niya kahit saanman niya ipilig ang ulo: liwanag.

'Buhay pa ako? Paano nangyari iyon? Nasaan ako?'

Nasagot ang mga katanungang iyon sa isipan ni Ella nang mula sa liwanag ay tumambad sa kanya ang mukha ng isang binata. Isang pamilyar na mukha. Napakalapad ng ngiti nito sa kanya.

"D-damarkus? Buhay ka? Paano—

Sa halip na sagutin nito ang kanyang tanong ay hinagap nito ang kanyang palad. Tinulungan siya nitong tumayo. At sa pagtayong iyon, doon niya lubusang napagmasdan ang buong paligid na kinaroroonan nila. Sila ay nasa isang malawak na hardin. Napakalawak na damuhan. At kapag tumingala ka ay tanging liwanag ang makikita. Iyon ang nakita niya sa paggising.

Nakita niya rin ang napakaraming nilalang na nagtatakbuhan at naghahabulan sa damuhan. Nakangiti. Masasaya. Ang iba sa mga ito ay mayroong namumuti at malalaking pakpak sa likod, tulad ng isang ibon. Nakasuot ang mga ito ng puting-puti at mahahabang kasuotan. Tulad ni Damarkus.

Tulad niya.

"N-nasaan tayo?"

Isang ngiti ang pinakawalan ni Damarkus. "Nandito tayo sa langit."

Natutop ni Ella ang sariling bibig dahil sa narinig. Hindi siya makapaniwala sa narinig. Paano nangyari iyon? Paano sila napunta roon? Dapat ay naglaho na sila sa kawalan! Isa silang diyablo, at kailanman ay hindi sila maaaring makarating doon.

"P-paano nangyari ito?"

Gamit ang mga palad ay kinapa ni Ella ang kanyang ulo. Wala na siyang sungay! Kinapa niya rin ang likuran. Wala na rin siyang buntot! Sunod niyang sinalat ang pisngi at ang noo. Wala na rin ang kanyang peklat at maging ang markang ginawa ni Lucifero!

Doon niya lubusang napansin at napuna ang kabuuan ni Damarkus. Wala na ang sungay nito sa gitna ng noo. Wala na rin itong buntot. Nanatili pa rin ang makapal nitong kilay ngunit ang dating kalbo nitong ulo ay nagkaroon na ng manilaw-nilaw na buhok na umaabot na halos sa balikat. Nawala na ang nakakatakot nitong anyo. Sa halip, isang guwapo at makisig na binata ang kanyang kaharap. Higit na mas kaaya-aya sa wangis-tao nito noon.

"W-wala na tayong sungay at buntot!" hindi pa rin halos makapaniwalang bulalas ni Ella.

Napangiti na lamang si Damarkus sa reaksyon ni Ella. Nagulat pa nga ang dalaga nang bigla nitong tanggalin ang puting saplot na bumabalot sa katawan nito kaya tumambad sa kanya ang maganda nitong katawan. Pinagkrus ni Damarkus ang kanyang braso at bahagyang lumiyad paunahan. At napapiksi si Ella nang biglang tumambad sa kanya ang nasa likuran ni Damarkus.

"Pero mayroon na tayong mga pakpak."

Nanlaki ang mga mata ni Ella sa nakita at bahagya pa siyang napaatras nang ibukadkad ni Damarkus ang pakpak nito. Kinapa ni Ella ang kanyang likuran sa may bandang balikat at nakumpirma niyang may kung anong bukol nga siya roon.

Isa na silang anghel!

"Paano tayo naging ganito?"

"Nang una akong mapadpad rito, 'yan din ang naging tanong ko. Ang dahilan kung bakit ako naging ganito? Hindi ko na inalam pa. Marahil, napatawad na ako ng Maykapal sa pag-anib ko kay Lucifero noon kaya bumalik na ako sa orihinal kong anyo. Ikaw? Sa tingin ko, may malalim na dahilan," pagpapaliwanag ni Damarkus nang itiklop nito ang mga pakpak.

"Paano?"

"Dahil sa pagsasakripisyo ng iyong ama, malaya ka na sa iyong dapat na nakatakdang kapalaran."

Lalong naguluhan si Ella dahil sa narinig. "Ama? Anong ibig mong sabihin?"

"Ang iyong tunay na ama."

Kumunot ang noo ni Ella. "Hindi ko maintindihan...tunay na ama? Sakripisyo? Hindi ba't ikaw ang nagsakripisyo? At si Joseph?" Nanginig si Ella nang pumasok sa isipan niya si Joseph. "Nasaan si Joseph, Damarkus? Nandito rin ba siya? Buhay pa ba siya? Nakaligtas ba siya? Nasaan siya?" lalong naging tuliro si Ella.

Dahil sa ikinikilos ng dalaga ay may kung ano na namang kumirot sa puso ni Damarkus. Nagseselos pa rin siya kay Joseph kahit na nagpaubaya na siya rito. Kahit na kaibigan lang talaga ang turing sa kanya ni Ella. Nasasaktan siya na dahil siya na nga ang kasama ng dalaga, pero si Joseph pa rin ang hinahanap nito.

Nasasaktan pa rin siya. Kahit na alam na niya ang totoo tungkol kay Ella. Kahit na—

May pag-asa na siya.

Inabot ni Damarkus ang kanang kamay ni Ella at pinisil iyon nang bahagya. Sinikap bigyan ni Damarkus ng bahagyang ngiti si Ella sa pagtatama ng kanilang mata. "G-gusto mo na bang malaman ang buong katotohanan? Handa ka na bang maalala ang lahat?"

Dahil sa tono ng pagsasalita ni Damarkus at sa mismong mga sinabi nito, lalong naguluhan si Ella. Kinabahan siya. Anong katotohanan? Anong alaala?

Tumugon siya sa pagpisil ni Damarkus sa kanyang palad. "Oo."

Binitiwan ni Damarkus ang kanyang kamay at nagsimulang humakbang. "Kung gano'n ay sumama ka sa akin."

Matapos ang mahabang lakaran sa malawak na hardin, dinala sila ng kanilang mga paa sa isang ilog. Malapit sa pampang ay matatagpuan ang isang napakalaking puno na kumikintab at nagliliwanag ang mga dahon, sanga, at katawan.

Sa ilalim ng punong iyon ay nakatayo ang isang nakatalikod na nilalang. May suot din itong puting saplot na gaya nila ngunit higit na mas mahaba iyon dahil nakayangyang ang laylayan niyon sa damuhan. Kulot ang mahaba at puti nitong buhok.Kapansin-pansin ang hawak nitong tungkod sa kanang kamay habang nakatukod sa damuhan.

"Anghel Alitheo—

Bago pa man maituloy ni Damarkus ang pagsasalita ay bumaling na ito sa kanila. Naramdaman na pala nito mula sa likuran ang pagdating nila.

"Damarkus..." wika nito.

Tumambad sa kanila ang isang lalaking may mahabang balbas. Lalong kapansin-pansin ang mga mata nito na purong puti din iyon. Kung titingnan ay parang bulag nga ito, ngunit nang titigan ni Ella ang mga matang iyon, pakiramdam niya ay tumagos iyon hanggang sa kanyang kaloob-looban. Iyinuko ni Damarkus ang ulo nito sa anghel, kaya pati si Ella ay ginaya ang binata.

'Di maapuhap ni Ella ang sasabihin nang bumaling ang matandang anghel sa kanya. "A-ako po si—

Napahinto bigla si Ella sa pagpapakilala. Anong pangalan ang sasabihin niya?

Ella? Ang pagkataong siya mismo ang gumawa. Pero hindi naman iyon ang totoong siya. Devila? Hindi. Hindi na siya iyon. Malaya na siya sa katauhang 'yon.

Sino na siya ngayon?

Sino nga ba siya?

Nginitian siya ng matandang anghel habang tila nakatingin ito sa malayo. "Hindi mo na kailangan magpakilala. Alam ko rin ang dahilan kung bakit kayo naririto. Halika."

Lumusong ang matandang anghel sa ilog. Ngunit sa halip na sumunod si Ella ay natigilan siya sa kinatatayuan. Nagawi ang paningin niya kay Damarkus. Walang salitang lumabas sa labi nito ngunit base sa mga mata nito, tila nagsasabi iyong "Wala kang dapat ikatakot."

Tumango si Ella sa binata bilang pagsang-ayon. Pumikit muna siya panandalian upang sabihin sa sariling: "Oo, handa na ako."

Dahan-dahang lumusong si Ella sa tubig. Bahagya pa siyang napakislot dahil sa kakaibang lamig ng tubig. Malasalamin ang linaw niyon, kaya't doon niya napatunayan sa kanyang repleksyon ang kanyang bagong anyo.

"Handa ka na bang maalala ang lahat?" malalim na pagbigkas ni Anghel Alitheo.

Isang bahagyang pagtango ang nagsilbing sagot ni Ella. Maya-maya, itinukod na ni Anghel Alitheo ang tungkod nito sa tubig. Umiikot ito sa paligid niya. At sa bawat pagdaan ng baston sa tubig ay tumataas ang tubig. Hanggang sa tuluyan na siyang makulong sa tubig na iyon.

Noong una'y sariling repleksyon lamang ang kanyang nakikita, hanggang sa unti-unting lumabas roon ang buong katotohanan tungkol sa kanya. Gamit ang sariling mga mata, pinanood niya ang sariling alaala.

Inferno's HeiressDove le storie prendono vita. Scoprilo ora