32-Aksidente

783 21 4
                                    

HANGIN. Patuloy lamang ang pakikipagtunggali ni Joseph sa hangin. Naluluha na nga siya sa hagupit nito ngunit patuloy pa rin siya sa pakikipaglaban rito. Napakabilis. Napakabilis nang pagpapatakbo ni Joseph sa motorsiklong nahiram niya kay Mang Rudy. Ni hindi niya nga alam kung paano niya eksaktong nahiram iyon. Napakabilis. Napakabilis niya na animo'y nakikipagkarera. Ni hindi na niya iniisip kung mahuli siya ng mga pulis ng overspeeding, o kung maaksidente siya. Ni hindi na nga niya halos napapansin ang paligid niya.

Basta't ang kamay niya'y mahigpit ang pagkakahawak sa manibela ng motorsiklo. Diretso lamang ang tingin sa bawat kalsadang nadaraanan niya. Pantay. Lubak-lubak.

Sabay sa paghalos pag-angat ng kanyang katawan sa motorsiklo ay siya ring paghiwalay ng kanyang isip sa kanyang kamalayan. Sa pagkakataong 'yon, isa lang ang malinaw sa kanya.

Siya ay nasa isang karera.

Nasa karera siya laban sa kanyang sariling puso. Napakabilis ng pagbayo na anumang oras ay kakawala na sa kanyang dibdib. Napakabilis. Nakikipag-unahan sa pagpapatakbo niya ng motorsiklong 'yon.

Bakit?

Bakit nga ba hinayaan niya ang sariling magpalamon sa takot at pangamba, kaya't hindi niya agad napagtanto kung ano ang higit na matimbang sa puso niya? Bakit nga ba huli na nang 'magising' siya?

Sana.

Sana nga hindi pa huli ang lahat.

Napakabilis. Napakabilis ng mga pangyayari. Kung kanina'y walang balakid sa kanyang daraanan, isang batang babae na ngayon ang tumatawid. Hindi man lamang ito nakuhang tumingin sa paligid. Napakabilis. Napakabilis ng pagpapaandar niya; papalapit na siya nang papalapit sa bata.Walang kaalam-alam sa maaaring sapitin nito.

Napakabilis. Lalo nang tumahip nang mabilis at malakas ang kanyang puso. Tumigil ang mundo. Napapikit na lamang siya; kasabay ng marahas na pagpisil niya sa preno ng motorsiklo. Umalingawngaw ang malakas na pagtili, kaalinsabay ng mga nakabibinging busina ng mga sasakyan.

Sana.

Sana nga hindi pa huli ang lahat.

Nahihilo man ay sinikap niyang ibukas ang mga mata. Buhay pa siya. Tumambad sa kanya ang imahe ng isang aligaga at maluha-luhang ginang habang yapos-yapos ang walang karea-reaksyong bata. Pinagpawisan nang malalamig si Joseph.

Umabot siya.

Buti na lang.

Habang lumilinaw ang paningin niya ay saka niya napagtantong may mga taong nakikiusyoso na pala. Ang iba'y nagtataka at nagtatanong kung anong nangyari, ang iba'y nakasimangot at nagagalit sa kanya, at ang iba'y nakikiusyoso lang talaga.

Nahihilo siya at nakakaramdam ng sakit sa ulo. Nasapo niya ang noo at pagtingin sa palad ay may dugo roon. Napamura pa siya sa sarili dahil sa katangahang kinasangkutan niya.

Gayunman ay sinikap niyang tumayo. May mga nagtangkang tulungan siya ngunit iginiit niyang kaya niya. Halos isang dipa mula sa kinasadlakan niya ay naroon ang nakatumbang motorsiklo. Buo pa naman ito, kundi nga lamang puno ng gasgas at basag ang headlights at ang mga side mirrors. Pero saka na lamang niya iyon poproblemahin. Kailangan niyang magmadali.

Sana hindi pa huli ang lahat.

"S-sorry po." Tanging 'yon ang mga salitang lumabas sa mga labi ni Joseph. Ngunit hindi na siya pinansin ng ginang at basta na lamang umalis kasama ang bata. Saka lamang niya napansing kanina pa pala nagbubusinahan ang mga sasakyan. Ang simpleng pagkakamali niya ay napakapagpasimula na ng aberya sa kalsada. Buti nga't mabait pa rin ang tadhana sa kanya kundi ay pinaglalamayan na siya sa oras na iyon.

Inferno's HeiressWhere stories live. Discover now