Special Chapter: Inferno's Next King

1.8K 31 7
                                    

HINAGOD ni Joseph ang kanyang leeg habang pinipilit na lumunok ng sariling laway upang kahit papaano'y maibsan niyon ang pananakit ng kanyang lalamunan. Hindi na naman niya maintindihan kung bakit tila nagbabaga na naman ang kanyang leeg.

Noong una'y bihira lamang niya iyon maranasan, ngunit habang patagal nang patagal ay lalo iyong padalas nang padalas. Pero hindi niya na lamang talaga iyon iniinda at pinapansin. Dahil alam niyang marahil ay epekto lamang talaga iyon nang pag-inom niya ng likidong mula sa Bukal. Habang-buhay na nga lamang niyang titiisin iyon. Kagaya ng lahat ng 'sakit' ng nakaraan na habambuhay niyang dadalhin sa alaala at puso niya.

"Pare, ayos ka lang?"

Naramdaman niya ang matigas na kamay na tumapik sa kanyang balikat. Hinarap niya ito. Si Glenn. Isang bagong kaibigan. Boardmate niya ito sa pansamantalang dormitoryong tinutuluyan niya sa Maynila, at tulad niya ay kapareho rin ng kursong kinukuha, BS Mathematics. Mas una nga lamang ito ng isang taon sa kanya. Inialok nito sa kanya ang isang bote ng tubig pero tumanggi siya.

"O-oo. Okey lang ako."

"Sure ka? Kanina ka pa ganyan. Mahaba pa ang pila." Isang bahagyang pagtango na lamang ang isinagot niya saka humarap na muli sa unahan.

68.

Iyon ang nakasulat sa mamasa-masang kapirasong papel na hawak niya. Napakarami pa ng mga nasa unahan niya na tulad niya ay nag-aasikaso ng enrollment. Dinaig pa nga ang audition ng isang talent search sa haba ng pila, at sa dami ng bintanang kailangang pilahan. Pero kailangan niyang simulan iyon. Para sa sinusubukan niyang bagong simula.

Para sa panibagong buhay.

Nagdesisyon siyang magpaiwan sa Maynila, para doon na ipagpatuloy ang pag-aaral. Kahit pa mahirap dahil malayo siya sa ina at kapatid, at sa uri at istilo ng pamumuhay roon. Iyon naman talaga ang plano niya noon. Ang mag-aral doon habang isinasabay ang pagtatrabaho. Ipinaliwanag niya sa ina ang 'dahilan' niya, at pumayag naman si Aling Milagros.

Sa totoo lang, puwedeng-puwede naman talagang sa San Rafael pa rin siya manatili, at sa St. John University pa rin siya mag-aral. Lalo na at nagbaba na ito ng tuition fee pagkatapos ng 'kontrobersiyang' naganap doon.

Pero nagdesisyon siya para sa sarili na kailangan niya munang lumayo pansamantala. Para sa ikabubuti ng 'lahat'. Alam niyang kailanman ay imposibleng malimutan niya ang mga alaala at ang sugat na naidulot ng mga iyon, pero kung malayo siya, kahit papaano'y 'maililigaw' muna niya ang sarili. Kahit papaano ay makakabuo siya ng panibagong buhay. Kahit papaano ay makapagsimula siyang muli.

Kahit paano, makatakas siya sa inakala niyang kapalarang nakalaan para sa kanya.

Napapitlag si Joseph nang tapikin ulit ni Glenn ang balikat niya. Akala niya tuloy ay siya na ang kasunod sa pila, pero malayo pa rin naman pala sila.

"Bakit?"

Nang lingunin niya ito ay namumungay ang mga mata nitong tila may sinisipat sa 'di kalayuan. Bumulong pa ito sa kanya habang nakapatong sa balikat niya ang braso nito at may kung anong itinuturo.

"Grabe, pare, ang sexy at ang ganda no'ng nasa window 7. 'Yong nagbabayad sa cashier ngayon!" bulalas nito. Hindi na nga ito nahiya kahit na may ibang nakakarinig o may naaabala na ito dahil sa likot nito sa pila. Napakatalas talaga ng radar nito sa mga magagandang babae, kahit na napakaraming mga estudyanteng nandoon at nakaharang sa kanila.

"Ha?"

'Yon oh!"

Iginiya nito ang kanyang batok gamit ang kaliwang kamay habang ang kabila ay nanatili pa rin sa itinuturo nito.

Nang tuluyang rumehistro sa paningin niya ang babaeng itinuturo ni Glenn, nanlaki ang mga mata niya. May kung ano na namang tumarak sa dibdib niya at hindi na naman niya maipaliwanag ang nararamdaman.

Nakatagilid ang babae kaya hindi niya makita ang buong mukha nito. Idagdag pa ang distansya nila at ang mga estudyanteng humaharang sa paningin nila. Pero ang tindig nito. Ang hubog ng katawan. Ang lahat-lahat. Hindi siya maaaring magkamali.

"Ella!"

"Teka, pare, saan ka pupunta?"

Hindi na niya pinansin pa si Glenn, o ang kanyang kinalalagyang pila. Umalis na siya. Ang mahalaga ay maabutan niya ang babae. Ngunit sa gitna ng pagmamadali niya ay naipit siya sa napakaraming mga estudyante. Hindi na niya pinansin kung mabangga o makabangga siya. Basta't makumpirma niya lang kung totoo ba ang nakita niya, o namamalikmata lang siya.

Pero pagdating niya sa window 7, wala na si 'Ella'. Sinubukan niya pang hanapin ito sa bawat sulok ng building ngunit hindi na niya ito nahagilap pa ng paningin. Lumabas pa nga siya ng gusaling iyon sa pag-asang hindi pa ito tuluyang nakakaalis, pero hindi na talaga niya ito naabutan.

Dahil sa hingal sa pagtakbo at sa 'nabigong pag-asa' ay marahas na napasandal si Joseph sa pader ng building upang makabawi ng hininga. Hindi niya maipaliwanag kung dahil ba sa pagod, pero lalong tumindi ang pag-iinit at pananakit ng leeg niya. Pinagpawisan siya nang malalamig pero pakiramdam niya ay nag-iinit naman ang buo niyang katawan. Kakaibang kirot din sa ulo ang bigla niyang naramdaman na animo'y mabibiyak iyon.

Nandidilim ang paningin niyang mabilis na nagpunta sa pinakamalapit na restroom at ikinandado ang pinto. Pagkapasok sa banyo ay napakapit na lamang siya sa madulas na lababo habang marahas ang pagbuga niya ng hininga.

Nanginginig ang kamay niyang pinihit ang gripo at hindi na siya nag-atubiling ihilamos ang rumaragang tubig. Hindi na niya inisip pa kung malinis ba iyon o kung saan nanggaling ang tubig, basta't isinalikop na lamang niya ang dalawang palad para mag-ipon ng tubig at inumin iyon. Sa pag-asang maiibsan niyon ang nararamdaman niya.

Pero nagkamali siya.

Lalong tumindi ang pananakit ng kanyang leeg. Lalong nag-iinit ang kanyang mukha at ang buong katawan. At lalong binibiyak ang ulo niya sa sobrang sakit.

Wala nang nagawa pa si Joseph kundi panoorin na lamang ang sariling nanghihilakbot na repleksyon habang umaalingawngaw ang malakas niyang pagsigaw. Nagsimula na siyang manghina at pakiramdam niya ay mawawalan na siya ng ulirat. Ngunit bago pa man tuluyang manlabo ang kanyang paningin at bumagsak, nasilayan niya ang sariling repleksyong...

Nagbabago ang anyo.

ABANGAN...

Inferno's HeiressWhere stories live. Discover now