4-Pagdududa

2.8K 76 7
                                    

"ITO ba ang naging kapalit ng pagkakaroon ko ng katawang mortal? Ito kaya ang kapalit na tinutukoy ni Damarkus? O, may mas higit pa?" banayad na hinahaplos ni Ella ang kanyang pisngi habang nakatitig sa sarili niyang repleksyon sa salamin. Nasasalat niya ang malalagkit at magaspang na balat. Mula doon ay nakita niya ang isang malaking peklat sa kanyang kanang pisnging gawa ng matinding pagkapaso. "Mabuti na rin ito. Ang mahalaga'y matatakasan ko na rin ang malagim kong nakaraan. Hinding-hindi na nila ako magugulo pa." Ibinaba na niya ang hawak na salamin.

Napabaling siya sa isang picture frame sa may gilid niya. Mula doon ay nakita niya ang larawan ng isang kumpletong pamilya sa gitna ng parke. Nakaupo sila sa isang bench. Nakita niya ang larawan ng isang babae. Bata pa ang hitsura nito pero sigurado siyang si Aling Milagros iyon. May hawak itong sanggol na si David. Sa katabi nito ay isang lalaking matamis ang pagkakangiti. Ito ang asawa ni Aling Milagros na naikwento nitong pumanaw na. Sa katabi ng lalaki ay nandoon ang batang si Joseph na hindi matukoy kung anong ekspresyon ang ipinapakita.

Ang nakapagpapukaw sa buong atensyon ni Ella ay ang batang nasa katabi nito. Matamis ang ngiti nito habang sinisipsip ang lollipop. May suot itong kolorete sa buhok kaya't nasabi niyang babae ito. Ngunit iba ang nararamdaman niya para rito. Ano kayang nangyari sa kanya? Nasaan na kaya siya?

Muntikan nang mabitiwan ni Ella ang hawak na litrato dahil sa gulat sa tinig na nanggaling sa kanyang likuran. Paglingon niya'y si David lang pala. "Ate, kakain na daw po tayo." Inilapag na muli ni Ella ang picture frame sa mesa saka bahagyang ngumiti sa bata. "Sige, David, salamat. Susunod na ako."

IKINAMANGHA ni Ella ang mga pagkaing nakahain sa kanya sa kahoy na round table dahil sa dami niyon. May adobong manok, ginisang kangkong, mga prutas na mangga at mansanas, at isang pitsel na tubig. Hindi alam ni Ella ang mga tiyak na tawag roon, ngunit sa tingin pa lang niya ay natatakam na siya. Ibang-iba kasi ito sa mga 'kadiring' kinakain nila sa impyerno.

"Oh, Ineng, maupo ka na. Huwag ka nang mahiya. Kumain ka nang marami. Ituring mo itong bahay mo." Ngiti lang ang isinagot niya sa ginang.

"Wow, adobo! Paborito ko!" papuri ni David sa luto ng ina sabay sunggab doon. Nalagyan pa nga ng mantsa ang kanyang damit.

"Dahan-dahan lang." wika ni Joseph. "Mukhang ang dami naman nito, Mama. Hindi naman natin ito mauubos."

"Aba, siyempre. Kailangan nating pakainin nang maayos ang bisita natin." Pagmamalaki ni Aling Milagros. Hindi na sumagot si Joseph sa kanyang ina at napagawi na ang kanyang paningin sa kanilang 'bisita'. Nagkataon rin namang nakatingin din sa kanya si Ella kaya't nagkatagpo ang kanilang mga mata. Mabilis rin naman iyong binawi ni Joseph at nagpatuloy na lang sa pagkain.

Pumagitan ang katahimikan sa kanilang apat habang kumakain hanggang sa muling magsalita si Aling Milagros. "Ahm, Ineng, Ella, naihanda ko na nga rin pala ang kwarto mo. Pansamantala, doon ka muna sa kwarto nitong si David. Ikaw David, doon ka na lang muna sa kwarto ni Kuya Joseph mo matulog."

"Maraming-maraming salam—

Pinutol muli ni Aling Milagros ang kanyang pagsasalita. "Naku, wala 'yon, Ineng. Pagtulong na rin namin ito sa'yo kaya't huwag ka nang mahihiya pa sa akin. Puwede kang tumuloy dito hangga't gusto mo. Kahit pa bumalik ang alaala mo. Siya nga pala, Ella, puwede ka bang sumama sa akin bukas? Mamimili tayo ng damit mong susuotin at iba pang gamit."

Narinig nila ang biglaang pagsingit ni Joseph sa usapan. "Mama, bakit kailangan n'yo pa siyang isama?" pangongontra ng binata. "Alam n'yo naman pong delikado sa bayan eh. Paano kapag mayroon talagang taong gustong manakit sa kanya? Paano kung may nagmamanman na pala sa kanya, ay di nadamay pa kayo?"

"Sus! Ako ang bahala. Huwag kang mag-alala. Basta sasama sa akin si Ella bukas. Kayo na muna ni David ang maiwan dito sa bahay."

MALALIM na ang gabi ngunit hindi pa magawang dalawin ng antok si Ella. Paikot-ikot lamang ang kanyang paningin sa kabuuan ng kwarto ni David. Maliit at simple lang iyon; kapansin-pansin ang mga nakahanay na kumpletong koleksyon ni David sa mga laruang Voltes 5 sa ibabaw ng tokador nito.

Halos hindi pa rin siya makapaniwalang nagbago na nga ang lahat sa buhay niya sa loob ng isang araw. Totoo ang lahat at hindi siya nananaginip. Nagawa niyang matakasan ang malupit niyang tadhana na maging tagapagmana ng impyerno. Ngunit hindi pa rin niya maiwasang mag-alala at isipin ang kanyang mga naiwan. Nagbabalik pa rin sa kanyang gunita ang alingasaw ng impyerno, ang kaawa-awang lagay ng mga pinarurusahang kaluluwa, at ang mga pagpalahaw ng mga ito dahil sa pagdurusa.

Inaalala rin niya ang kanyang kaibigang si Damarkus. Ano na kaya ang nangyari rito matapos niya itong iwanan? Paano kapag napahamak na ito at nalaman na ni Lucifero ang kanilang binalak? Paano na lang kapag ipahanap siya ng kanyang ama at piliting pabalikin sa impyerno? Hanggang kailan siya makapagtatago?

Sinubukang iwaksi ni Ella ang mga isiping iyon. Tutal ay nagtagumpay na rin naman siya. Napagpasyahan niyang bumangon at magtungo sa kusina para uminom ng tubig dahil nakakaramdam na siya ng uhaw. Ngunit may narinig siyang mga boses na nagbubulungan sa sala. Gising pa rin sina Joseph at Aling Milagros. Ikinubli muna niya ang kanyang sarili sa likod ng upuan.

"Mama, sigurado ka ba talaga? Balak n'yo po siyang patirahin dito?" narinig ni Ella na itinanong ni Joseph sa ina nito.

"Bakit, nag-aalala ka ba? Anak, kailangan natin siyang tulungan. Hindi pa natin alam ang totoong nangyari sa kanya." Giit ni Aling Milagros.

"'Yon na nga po Mama eh. Hindi talaga natin kung anong nangyari sa kanya. Paano kung hindi pala talaga nawala ang mga alaala niya at may tinatakasan lang siya? Paano kung kriminal pala siya? Paano kung mapahamak tayo nang dahil sa kanya? Hindi n'yo po ba naisip 'yon?" pinipilit ni Joseph na pahinain at pakalmahin ang kanyang pagsasalita. Naramdaman niya ang pagpatong ng mga palad ni Aling Milagros sa kanya para huminahon.

"Naiintindihan kita. Nag-iingat ka lang para sa pamilya natin dahil ayaw mo nang mangyari ang mga nangyari noon. Pero anak, magtiwala ka sa akin. At magtiwala ka rin sa kanya. Alam kong kahina-hinala pero...pero nararamdaman kong mabuti siyang tao."

Nabanaag ni Ella ang bukal sa loob na pagmamalasakit sa kanya ni Aling Milagros. Kahit pa ba isa siyang ekstranghera at talagang kahina-hinala, ay nakuha pa rin siya nitong tanggapin at pagkatiwalaan. Kaya nakaramdam siya ng hiya dito, lalo na kay Joseph. Hindi niya ito masisisi, kung hanggang sa mga sandaling ito'y nagdududa ito sa kanyang pagkatao.

Inferno's Heiressحيث تعيش القصص. اكتشف الآن