[4] Buwan at mga Bituin

975 17 5
                                    

[4] Buwan at mga Bituin

Inaalay ko sa: buwan at mga bituin sa langit na nakapagpangiti sa akin dahil sa taglay nilang kagandahan, noong isang gabing binabantayan ko sa labas si muning habang siya'y kumakain.

Nasasaksihan mo pa ba ang kagandahang nagbibigay-kasiyahan?

Siguro'y hindi na dahil lagi ka na lang nakayuko sa iyong "laruan".

Tila ba ito ay palagi mo nang sinasamba

dahil hindi mo na ito kayang alisin pa sa 'yong mga mata.

'Di hamak na mas maganda ang liwanag ng mga bituin at ng buwan

kaysa sa liwanag na tinataglay ng iyong tangan-tangan.

Noo'y masaya na ang lahat kapag nakikita nila ito sa gabi,

ngunit ngayon ay iba na ang kanilang dahilan para ngumiti.

Ang angking ganda ng gabi at ang maliliit na tunog mula sa kalikasan

ay nais kong paulit-ulit na makita at mapakinggan.

Pero 'di ko alam kung kaya ko pang makinig at mata'y muling imulat,

dahil ngayon tinitiyak kong ibang-iba na ang lahat.

Sapagkat ikaw ay palaging nakatingin at nakikinig

sa mga artipisyal na ganda at mga ingay na nakatutulig,

na siyang tinututukan ng 'yong mata't sinasabayan ng iyong bibig.

Kailan ka ba tumingala sa langit at humanga sa ganda ng daigdig?

Ang ating mundo ay sadyang napakaganda at napakalawak.

Isang pagkakamali ang ikulong mo ang sarili sa palaging hawak.

Sa mga susunod na gabi'y nais kong iyo rin sanang pagmasdan

ang liwanag ng buwan at mga bituin sa kalangitan.

November 5, 2015

Ako'y Tutula by Darloine

Ako'y TutulaWhere stories live. Discover now