[93] Kwento ng Buhay

258 5 0
                                    

[93] Kwento ng Buhay

Inaalay ko sa: buhay ng isang tao.

Maririnig ang iyak ng isang sanggol sa maingay na mundo.
Puno ng takot ang tinig dahil wala pa siyang nakakasundo.
Lilipas ang ilang taon at magkakaroon na siya ng mga kaibigan.
Dito niya bubuuin ang magiging kwento ng kanyang kabataan.

Magbabago ang mundo niya sa unang pagpasok sa eskuwela.
Isang panibagong yugto ng buhay na puno ng lungkot at saya.
Pagdating sa high school, masusubok ang kanyang pagkatao.
Mababalot ng pangamba ang kanyang isip at tusong puso.

Nasa kolehiyo na siya para maipagpatuloy ang kanyang pag-aaral.
Madadapa ngunit babangon ulit para abutin ang mga pangarap.
Mahihirapan sa pagdedesisyon at maging sa papel niya sa buhay.
Doon niya maiisip ang malagim na konsepto ng pagpapakamatay.

Sisilay at ililigtas siya ng pag-ibig sa kinakaharap niyang sitwasyon;
maaaring ng isang tao o kaya'y ang pagtanggap niya sa propesyon.
Gugugulin niya ang oras sa trabaho para makatulong sa pamilya.
Unti-unti nang iikot ang mundo niya sa pagkita ng maraming pera.

Hahanap na siya ng kanyang mapapangasawa sa mahabang panahon.
Sabay silang dadapuan ng sakit hanggang mahirapan na sa pagbangon.
Kakaunti na lang ang natitirang oras at dadalawin na siya ni Kamatayan.
Maingay pa rin ang mundo pero rinig na rinig ang isang iyak sa libingan.

October 20, 2017
Ako'y Tutula by Darloine

Ako'y TutulaWhere stories live. Discover now