[57] Takbo

259 4 0
                                    

[57] Takbo

Inaalay ko sa: takbo ng ating buhay...

Kahapon, may taong nagkasala sa pangongopya ng gawa ng iba.

Ngayon, may batang nangupit ng pera sa wallet ng nanay niya.

Panibagong kuwento naman ang mangyayari bukas.

Maraming oras na naman sa buhay ng tao ang mababawas.

Matulin ang takbo ng isang snatcher sa aleng inagawan niya ng bag.

Ganoon din ang mga motoristang sa batas ay patuloy na lumalabag.

Mayroon pang inundayan ng saksak sa isang makipot na eskinita.

At para malaman ang iba pa'y tumutok ka lang sa mga balita.

Talamak pa rin ang bentahan ng droga sa loob at labas ng bansa.

Marami pa rin ang napapasabak sa pagtatrabaho na mga bata.

Ang mga tiyan ng mga mamamayan ay walang tigil sa pagkalam.

Kung sino ang tunay na nagmamalasakit ay walang nakaaalam.

Saan mang parte ng mundo ay may mga nagaganap na kaguluhan.

Sangkot man o hindi ay makikitang pare-pareho silang nahihirapan.

Araw-araw ay mayroong nawawalan ng buhay at nagiging biktima.

Iisa lang ang isinisigaw at nais nilang makamit: "Hustisya!"

Pare-parehong nagpapatuloy pero magkakaiba ng pamumuhay.

Ang paggamit ng oras ay hawak-hawak nila sa kanilang mga kamay.

Bukas, uusad na ulit ang araw sa kalendaryo at ang oras sa pagtakbo.

At walang makapagsabi kung kailan ang nakatakda nitong paghinto.

March 4, 2016

Ako'y Tutula by Darloine

Ako'y TutulaWhere stories live. Discover now