[58] Akala

294 4 0
                                    

[58] Akala

Inaalay ko sa: mga... akala.

May babaeng hindi palaayos at madalas na naka-T-shirt at pantalon,

hindi mo siya kilala pero tinawag mo na agad siyang isang maton.

Nakasalubong mo ang lalaking maputi at may mahabang pilikmata.

Tumawa ka pagkalampas niya dahil akala mo'y isa siyang bakla.

Minamaliit mo ang isa dahil akala mo'y mas magaling ka sa kaniya,

iyon pala'y pagkatapos mag-aral ay mayroon na siyang kompanya.

Madalas n'yong pag-trip-an ang 'baliw' sa kalsada ng tropa mo,

mangangalakal pala na kumakayod magkaroon lang ng iilang piso.

Kilala mo lang ang isang kaklase mo dahil sa mga sabi-sabi.

Hindi siya umiimik dahil mas kilala niya naman ang kaniyang sarili.

May kinaiinisan ka at itinuturing mo siyang sinungaling at palalo.

Sa lahat pala ng kakilala mo'y siya lang ang totoo sa 'yo.

'Yung babae na pinagtatawanan mo ang hitsura at paglalakad

ang tunay na kaakit-akit dahil sa mabuti niyang ugali at abilidad.

Nandiri ka sa matandang lalaking may peklat ang mga braso at binti

pero hindi mo alam isa siya sa mga nagtanggol noon sa ating lahi.

Nakakalungkot na ganito na katuso ang buhay sa mundo.

Ibibintang na sa iyo ang mga bagay na taliwas sa iyong pagkatao.

Kaya naman sa pagkilatis at panghuhusga sa tao'y mag-iingat ka

dahil baka ang akala mo'y akala lang pala talaga.

March 5, 2016

Ako'y Tutula by Darloine

Ako'y TutulaWhere stories live. Discover now