[95] Bilanggo sa Silid

237 5 0
                                    

[95] Bilanggo sa Silid

Inaalay ko sa: mga bilanggo sa silid.

Gigising nang pagkaaga-aga para maghanda saka aalis sa bahay.
Uuwi nang pagod at puyat; ganito lagi ang takbo ng buhay.
Sa apat na sulok ng silid ay pinipilit na may mailaman sa ulo.
Hanggang sa pag-uwi ay dala-dala pa ang alalahanin sa kwarto.

Ang agahan ay malilipat sa oras ng tanghalian.
Tanghalian na siyang malilipat sa oras ng hapunan.
Hapunan na minsa'y nasa tamang oras pero madalas ipinagpapaliban.
Ipinagpapaliban hanggang sa puntong kakain na lang kinabukasan.

Isa, dalawa, tatlong oras lang ang pagpikit ng mga mata.
Walo, siyam, sampung oras naman kapag hindi na kinaya.
Wari'y nakikipaglaro sa utak kung pipikit lang o matutulog.
Katawan na rin ang siyang susuko dahil para na itong nabugbog.

Haharap na naman kinabukasan para ipagpatuloy ang laban.
Pilit pa ring ngingiti kahit isa na sa mga pinagtatawanan.
Makikisali sa gaguhan para malaman kung anong ipinupunto.
Pagkatapos ay tatapikin ang sarili dahil sa maayos na pakikihalubilo.

Laging nagbibilang ng mga araw para sa itinakdang kalayaan.
Pero sadyang malupit at hindi pabor ang lahat pati ang kapalaran.
Para nang nakakulong dahil sa kasong wala namang piyansa.
Ang buong akala'y matatapos na pero may isang taon ulit sa selda.

November 29, 2017
Ako'y Tutula by Darloine

Ako'y TutulaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon