[65] Buhay na Patay

305 4 0
                                    

[65] Buhay na Patay

Inaalay ko sa: mga buhay na patay.

Isa na namang mapayapang umaga ang gumising sa kaniyang diwa,

ngunit tulad ng dati'y bumabangon lang siya para sa wala.

Maayos ang kaniyang tindig ngunit ulo'y nakayuko

tila pinakikiramdaman na lang ang pagtibok ng puso.

Gigising. Matutulog. Muling gigising.

Hihinga dahil may kakayahan pang lumanghap ng hangin.

Araw-araw ay abala sa paggawa ng wala.

Obligado lang kumilos dahil mayroon pang kaluluwa.

Ang buhay ay napuno na ng pag-aalala.

Magkakasabay na kasi ang pagdating ng mga problema.

Sunud-sunod na ang mga kamalasan.

Paulit-ulit. Walang katapusan.

Hanggang ngayon, siya pa rin ay litong-lito at naliligaw.

Ganito ang kaganapan hanggang sa mga susunod pang mga araw.

Araw-araw, siya'y nagtatanong pa rin kung bakit siya nandito

dahil hindi niya pa rin alam ang tunay na papel niya sa mundo.

Kaniyang pisikal na anyo ay buhay na buhay

ngunit kaniyang diwa'y matagal nang humimlay.

Isang buhay na patay na nakatitig sa kawalan,

hiling niya'y pagsisimulang muli nawa'y pahintulutan...

April 2, 2016

Ako'y Tutula by Darloine

Ako'y TutulaWhere stories live. Discover now