[89] Aalis din ako

271 5 0
                                    

[89] Aalis din ako

Inaalay ko sa: nagbabasa.

Hindi habang buhay ay nandito lang ako.
Mauubos din ang tinta ng panulat ko.
Titigil sa pagtaas ang bilang ng mga tula,
gano’n din ang mga sinusulat kong akda.

Aalis ako, maaaring nang walang pasabi.
Aalis ako para isipin naman ang aking sarili.
Pwedeng magtago ako sa ibang pangalan.
Pwedeng ako rin pala ‘yong isa mong kaibigan.

Hindi ko sasabihin kung kailan o saan
kasi hindi ko rin naman talaga alam.
Walang nakaaalam ng mangyayari bukas.
Walang tao na kontrolado ang kanyang oras.

Sino ba ang mauuna sa atin, ikaw o ako?
Sa ibang lugar ay magkikita pa rin ba tayo?
Aalis ako hindi dahil sa ito ay trip ko lang.
Mayro’n din naman akong mabigat na dahilan.

Dahil katulad din ng ibang tao, aalis din ako
at hindi na muling makikita pa sa mundo.
At tanging ang mga akda ko lang ang patunay
na sa maikling sandali, ako rin ay nabuhay.

September 23, 2017
Ako'y Tutula by Darloine

Ako'y TutulaWhere stories live. Discover now