[54] Hindi ko alam

274 5 0
                                    

[54] Hindi ko alam

Inaalay ko sa: mga tanong na sinasagot ng pamagat.

Araw-araw ay may sinasagot at iniiwasang sagutin na mga tanong

at may mga sagot na binibigkas ngunit minsan nama'y ibinubulong.

May mga tanong na makatutuklas sa kalahati ng iyong pagkatao

o ng tunay na nilalaman ng iyong mapaglarong isip at tusong puso.

Sa likod ng mga sagot sa katanunga'y mabibilang nga ba

kung ilan ang bulong ng isip at puso na siyang nagkatugma?

Maaaring ang kausap ay mapaniwala sa sagot ng kasinungalingan,

ngunit kailanman ang sarili ay hindi makakayang maisahan.

Ang katotohanan ngayo'y posible nang ipaikot-ikot

hanggang sa masanay na ang mga tao sa sagot na baluktot.

Nasisiyahan pa nga ang ilan sa kani-kanilang pagmamanipula

na nagiging dahilan para ang pagtakbo ng buhay ng iba ay maantala.

Nandiyan ang mga mungkahi na pansamantala raw na solusyon

na kalaunan ay magiging isa palang permanenteng lason,

makapangyarihang mga salita na galing raw sa mga henyo,

at isang huwad na sistemang siyang umiiral sa mundo.

Paulit-ulit na prosesong nagdudulot at magdudulot pa ng pagkahilo,

pagkalito, pananakit ng ulo, pagtaas ng kilay at pagkunot ng noo.

Kaya sasang-ayon o dededmahin na lahat para matapos lang,

o mag-iiwan na lang na makabuluhang sagot na: "Hindi ko alam."

March 1, 2016

Ako'y Tutula by Darloine

Ako'y TutulaWhere stories live. Discover now